F.
Madalas ko siyang makitang nag – iisa, nakaupo sa isang
sulok ng aming silid – aralan, nakatunghay ng malalim ang
kanyang mga mata sa kalayuan na waring may inaaninag, wala sa
sarili. Minsan ay nahuhuli ko siyang parang may ibinubulkong
sa hangin at makikita ko na lamang ang kanyang mukhang nagbabago
ng ekspresyon—
F. ang gusto niyang itawag ko sa kanya. Kung ano man ang ibig
sabihin nun ay ‘di ko lubos na maintindihan. Iniisip ko,
may kahulugan sa sikolohiya ng pagkatao niya. Nakatago roon ang
isang emosyon na hindi ko lubos na maintindihan. Ang kanyang
mga mata ay walang buhay, malamlam ang pagkakatitig nito sa kalayuan,
nagiging mayumi sa dalamhati sa kawalan. Kung pagmamasdan, may
itinatagong galit ang kanyang mga mata na waring nakaidlip doon
ang isang malalim na damdamin—
Minsan bigyan mo man ng katwiran ang mga pangyayari, mananatiling
nakapinid ito sa panahong hindi mo lubos na mawatasan at ang sarili, sa
paulit – ulit na kaganapan sa espasyo at panahon, ay nananatiling
estranghero.
***
Kanina sa klase namin kay Bondoc (ang tangang propesor naming
sa Philosophy of Man ayon kay F.) napansin kong hindi mapakali
si F., parang may gustong sabihin habang ang aming propesor ay
tinatalakay ang pilosopiya ni Kant. Kakatwa ang kanyang ikinikilos.
Nakita kong may isinusulat sa sa kanyang notebook. Pasulyap -
sulyap sa labas ng bintana, sa mga taong nagsidaraan, at ibinabalik
ang tingin sa aming propesor.
Parang may tumatawag sa pangalan ko. Si Bondoc, nakatayo sa
harap ko. Kanina pa pala niya ako pinagmamasdan. May ibinigay
siyang putinbg folder. Tinignan ko. Ito ang huling proyekto naming
sa Midterm. Isang pag – aaral sa Existentialism.
Muli kong binasa ang pamagat ng ginawa kong pag – aaral
sa existentialism. Uupo na sana ako nang tawagin uli
niya ako at saka nagtanong—
Tumayo ako upang sagutin ang tanong niya. Tumingin muna ako
kay F. Nakita kong parang may nais siyang ipaabot, may nais ipahiwatig
ang kanyang mga matang nakikipagniig sa distansya, puwang na
namamagitan s amin. Ayokong tanggpain ang mga titig na iyon,
may tila isang damdamin na gusto kong takasan sa pagkakataong
iyon.
“Sa palagay ko ang tinatawag nating self o ang bibinibigyan
natin na kahulugan na sarili ay…ay…”, kinakabahan
ako sa mga titig ni Bondoc, “kung pagbabatayan natin ni…at…kung…ating…susuriin
ay…”, patay…ito ang mahirap, hindi ako sanay
magsalita. Kung may pagkakataon sana akong isulat ito. Medyo
nainip yata sa sagot. Pinapaupo niya na lang ako, “ay isang
ilusyon lamang…ang sarili ay isang ilusyon lamang at ang
paghahanap nito ng katwiran ay nakakatawang landasin sa katotohanan…” halos
tuloy – tuloy na sagot ko.
Nakita kong nabigla si Bondoc, tumingin siya sa akinat waring
inaaninag sa aking mga mata ang isang kasagutan. Pagkatapos non,
pinagmasdan niya ang buong klase, sinusuri ang ibat – ibang
damdamin na nakaupo sa bawat silya. Tinignan ko si F., nakatingin
siya sa akin. Muli ay nagigising ang isang damdaming pilit kong
tinatakasan. Sa mga mata niyang naglalahad ng tila bato, malamig,
na waring naglalakbay sa espasyo at panahon, ay nandoroon ang
aking sariling yumayakap sa kawalan.
Hatinggabi.
Minamadali kong tapusin ang huling proyekto ko sa Midterm kay
Bondoc. Nakakainis dahil ngayon pa ako sinamahan ng sumpong.
Tuloy hindi ko lubos na maintindihan ang gustong iparating ni
Soren Keirkegaard, pilosopong nagtaguyod ng existentialism sa
unang sibol nito sa Europa. Pasahan na bukas ngunit wala pa akong
nagagawa.
Sa ganitong sitwasyon ang pinakamahirap na kalaban ay ang emosyon.
Hindi ako mapakali, may tila damdamin akong hindi mabigyan ng
katwiran. Umiikot iyon sa aking utak, dumidikdik, pumipihit sa
bawat pandama, at sa bawat ugat ay nananahan ang sakit na nadarama.
Tinignan ko ang orasan. Mag – aalastres na nga pal. Sa
pagkakataong ito parang may gusto akong puntahan, lumabas ng
bahay upang kahit saglit ay maiwala ang sakit na kanina ko pa
nadarama.
Naputol ang aking pagmumuni – muni nang tumunog ang telepono.
“Hello!”
Matagal bago sumagot ang nasa kabilang linya.
“Maria…”
“F…?”
“Pwede ba tayong magkita?”
Nakadama ako ng kalungkutan nang marinig ko ang kanyang tinig.
“Saan?” May halong pagtataka.
“Sa dati nating tagpuan.”
Muli ay naramdaman ko na naman ang isang damdamin sa madilim
na sulok ng aking isipan.
“Maria, please! Kailangan kitang makausap. Kailangan kita…”
Iyon na lamang at naputol na ang linya.
***
Sa aming tagpuan.
Tahimik ang kapaligiran, may mga mumunting huni
ng kuliglig na siyang bumabasag sa katahimikan ng lugar na iyon.
Ang ihip ng hanging dumadapyo ay mayuming humahaplos, sumusuyo
sa damdamin kong tila nakahimlay sa katahimikan ng gabi. Sa dako
roon ay may nakikita akong magkatipan na masayang nagkukuwentuhan,
nagkukulitan, sa mahinhing paghampas ng alon sa mga batuhan.
Tumingin ako sa tubig. Tinignan ko ang aking sariling iginuhit
nito, ang aking repleksiyong nasisira sa bawat hampas ng alon.
“F…”
“Kanina ka pa ba?”
Niyakap ko siya ng mahigpit. Tila kay tagal ng
panahong nawalay ako sa kanya. Hinanap ang kanyang labing nasasabik
sa amin sa isat – isa. Ibinulong niya sa akin ang ilang
mga kataga: Ang sarili nga ba ay isang pagtakas ng sarili
mula sa kanyang sarili?
Hindi ko siya maintintindihan.
“Isa lamang ang gusto kong intindihin mo. Mahal kita.”
“Mahal din kita. Minahal ko pati ang kalungkutan mo.”
Ipinikit ko ang aking mga mata nang maramdaman ang kanyang mga
labing nagiging masuyo, humahaplos iyon ng pagkakataon sa akinbg
katawan. May damdamin ang bawat halik, may kalungkutan ang bawat
damdamin. Nag – iisa. Nag – iisa patungo sa katahimikan.
Mahinhin ang bawat haplos sa aking dibdib.
Ikaw at ang iyong katawan. Pingarap kong bigyan ng kahulugan,
ng isang larawan. Ang buhay ay isang pagnanasa. Ang sarili
ay isang estranghero ng kanyang sarili. Muli ay nadama ko ang
mahinhin niyang mga halik, ang kanyang kalungkutan na nagbibigay
ng pagnanasa, ng pakikipagtunggali at paglalahad upang magbigay
ng pangamba, ng takot, ng isang damdamin mulat sa kadiliman
ng damdamin at isipan. Nakatayo ako rito. Nagmamasid at nakikipagtalastasan.
Naghihintay. Ang sarili nga ay isangpagtakas ng sarili mula
sa kanyang sarili?
***
Kinaumagahan.
Parang may tumatawag sa pangfalan ko. Si Bondoc,
nakatayo sa harap ko. Kanina pa pala niya ako pinagmamasdan.
May ibinibigay siyang putting folder. Tinignan ko. Ito ang huling
proyekto naming sa Midterm. Isang pag – aaral sa existentialism.
Muli kong binasa ang pamagat na ginawa kong pag – aral
sa existentialism—
Fhilosophy. |