Daimosigh
Minsan na kitang nakita sa may talampas ng Burog. Nakaupo
ka sa nakatumbang puno ng akasya, hindi alintana ang mga
langgam na nagmamartsa sa iyong paanan. Papalubog na ang
araw nun. Malungkot ang langit. Umaambon.
Humiwalay ako sa linya, umiwas ako sa pulutong. Gumapang
ako papunta sa iyong mga paa, paitaas papunta sa iyong tuhod.
Mula dito ay pinagmasdan ko ang iyong maamong mukha. Tila
patak ng ulan ang iyong mga luha na pinupunasan mo ng panyo.
Nagtaka ako. Bakit ka umiiyak?
Hikbi ang isinasagot mo.
At buntunghininga.
Sinubukan kong umakyat muli papunta sa iyong balikat. Gusto
kong mapagmasdang mabuti ang iyong maamong mukha.
Ngayon ko lang napansing may hawak-hawak ka palang larawan.
Pinagana ko ang aking antenna. Larawan ng isang robot ang
papel na binabagsakan ng luha mo.
May sinasabi ka, pinapalipad mo sa hangin ang bawat kataga:
“Iginuhit ko na sa aking puso ang iyong mukha, hindi
kita makakalimutan. Kay ikli ng panahon, gusto kong hugutin
ang nakaraan, balikan muli ang mga minuto na nagkasama tayo,
angkinin ang Langit na kasama ka, at paliparin ang mga kataga
na puno ng talinghaga na parang saranggola. Masakit isipin
na wala ka na sa buhay ko. Pinili mo ang kalayaan na hindi
ko pwedeng ibigay sa iyo. Hindi kasi kita pwedeng sundan
sa buhay na tinatahak mo. Masyado na kasing malayo ang daan
na nilalakad ko, hindi na ako pwedeng bumalik. (Pwede kitang
hintayin ngunit natatakot akong sa ating tagpuan ay baka
wala ka. Mahirap hintayin si godot.) Kaya bang tiisin ng
aking mga mata ang mga luhang pumapatak mula rito?”
“Mahimbing nang nakahimlay ngayon ang aking puso,
hinihintay nito ang isang haplos na minsan nitong nadama
kasama ka.”
“Sana mula sa kawalan, mahawakan ko man lang ang iyong
mga kamay, madama ang init nito. Sana kahit sa kawalan, maramdaman
ko ang init ng iyong mga halik na minsan ay ipinagkatiwala
mo sa akin.”
“May hatid na alaala ang dapithapon.”
Sana naiintindihan ko ang mga sinasabi mo, maramdaman ang
iyong kalungkutan.
Kinagat kita sa iyong balikat. Aray, ang sabi mo. Pinitik
mo ako palayo. Medyo nahilo ako pagbagsak ko sa lupa. Muli
akong bumalik sa pulutong ng mga langgam.
Naglakad akong dala-dala ang alaala ng iyong mga luha. |