Dedi
Maria Lorena Kafka***. Baby, ikaw ang metapora ng
aking kabataan. Nakaukit sa iyong pangalan ang pangarap namin
ng tatay mo—iyon ang gusto niya, ang idugtong ang magkabilang
mundo namin sa panahong pareho kaming lagalag sa diwa ng buhay.
Ang ‘Kafka’ ay apelyido ng paborito niyang nobelista,
si Franz Kafka. Ewan ko ba don, masyadong obsessed sa
pilosopiya. Ganun naman ang tatay mo, gusto niyang ipaliwanag
ang lipunan sa tinatawag niyang HumanSubjectivity. Minsan
nga nagtatalo pa kami. Lagi, gustong ipamukha sa akin na tanga
ako. Engot ‘yun eh!
Sa akin galing ang pangalang Maria Lorena, isang matalik na
kaibigan. Sa kanya ko unang narinig ang ‘armadong pakikibaka’,
ang tatsulok at ang DOM na si Karl Marx (ito kasi ang tawag niya).
Feminismo ang ayaw na ayaw niyang marinig. Naku, baby,
huwag na huwag mong pagsasamahin sila ng tatay mo’t tiyak
magpapataasan na naman sila ng ihi. Magdamagang bangayan—isang insensitive
orc at isang Marx’s Barbie doll ang maririnig
mong nagsasagutan. Tirada ni orc bobo raw si Marx, hirit naman
ng isa, isip-bata ang pilosopiya ni Jean Baudrillard. Magkagayon
pa man, kapag pinanood muna sila ng Astroboy tiyak tatahimik
na ang dalawang engot.
Anarkista ang tatay mo. Si Lona, tibak na punkista. Ako, isang
burgis na trying hard maging tibak. Pareho-pareho naming inayawan
ang sistema ng lipunan. Teka, kami lang pala ni Lona. Masyadong
pesimista ang tatay mo. Parang hindi tibak kung umasta. Sa pananaw
niya walang mangyayari sa pinaglalaban namin. “Hindi tinuruang
mag – isip ang mga indio”, ito ang laging banat niya.
Lumpen nga ang tawag ko minsan doon. Gusto niya umayon sa kanya
ang mundo. Kami ni Lona, sabay kaming nangarap ng mundong may
hustisya at lipunang nakakakilala sa karapatan ng mga maliliit.
Ang katwiran namin kailangang may dugong papatak para mabago
ang sistema ng lipunan. Ang tatay mo, hayun, nagsusunog ng kilay
at lumalaklak ng kape para lamang maintindihan si Jean Baudrillard.
Si Lona ay presidente noon ng Student Council sa unibersidad
na aming pinapasukan. Kami ng tatay mo ay mga kabataang manunulat.
Kudeta noon ni Honasan at ang presidente noon ay si Aquino. Pinapatalsik
namin ang paring presidente sa aming Unibersidad. Sa aming tatlo,
ang tatay mo ang pinaka-gago. Brutal iyon kung makasigaw. Kapag
tapunan na ng pillbox sa may quadrangle ng aming unibersidad
siya lagi ang nangunguna. Pero kung sasabihan mong manguna sa
boycott sa klase, tsk, tutulugan ka lang non. Minsan nga naisip
ko parang ginagawa lang niyang trip ang maging tibak. May pagka-sadista.
Huli na nang malaman ko ang tunay niyang damdamin ukol sa mga
isyu sa lipunan.
Pasensya na hindi ko natupad ang pangako ko sa’yong dadalawin
kita sa kaarawan mo. Sampung taon gulang ka na. Alam ko hindi
ito ang mundong gustong ipakita sa iyo ng tatay mo. Sana maunawaan
mo rin hindi ito ang buhay na gusto kong maging kalalakihan mo.
Pareho kaming may pangarap. Kabilang kami kasi sa mga kabataang
gustong baguhin ang itinadhana ng lipunan para sa amin. Isa ako
sa mga nangarap na maging sikat na manunulat dangan nga lamang
sa kalye ako minsan napapadpad. Kung aabutan ng dilim, doon na
rin matutulog. Kahit saan basta may pader na kukupkop sa aking
pagal na katawan. Ang tatay mo naman…haay ang orc ng
buhay ko… (Pareho naming paborito si Tolkein) mahilig
magbasa yun, kung ano – ano ang pinagtri-tripang basahin.
Hindi ko nga iyon maintindihan kung anong gustong gawin sa buhay:
ang maging tibak o kolektahin ang lahat ng librong nininenok
niya sa Recto. Mas tibak pa nga ako kaysa sa kanya. Sa parte
naman niya, mas magaling pa siyang magsulat kaysa sa akin.
Kailan ba kami huling nagkita ng tatay mo? Ewan. Hindi ko na
rin maalala. Nagpasya akong umakyat ng bundok upang dalawin noon
si Lona at upang ipagpatuloy na rin ang aking nasimulan. Simula
noon hindi na kami nagkita.
Kaybilis nga ng panahon. Noon ni ayokong kumurap, ni ayokong
pumikit, natatakot na pagmulat ko sa aking mga mata hindi ko
na makilala ang aking sarili at ang matitira na lamang ay minsang
nakita ko ang aking sariling nakatayo sa nakaraan: ang lumalaban
kasama si Lona at ang tatay mo.
Hindi ko naman kasi ginusto na may mangyari sa amin. Sa totoo
lang wala namang pag – ibig ang namamagitan sa amin. Iba
ang gusto niya. Hindi ako ang kanyang Fraulean Stellar. Bwisit
kasing mga parak ‘yan. Kung hindi kami nahuli hindi sana
mangayayari ang naging kasalanan namin kay Lona.
Kasagsagan noon ng rally sa aming unibersidad. Si Lona ang
nanguna sa pagsisiwalat sa mga kabuktutan at katiwalian ng paring
presidente sa aming unibersidad. Halos araw – araw boycott
ang klase. Kung hindi pillbox ang tinatapon ng tatay mo, mga
upuan naman ang kanyang pinagdidiskitahang ihagis hanggang sa
may quadrangle namin.
Pagkatapos non, tinipon namin ang mga estudyante sa labas ng
San ***. Doon kami nag – rally. Hiningi namin ang pagbibitiw
ni Presidente***. Hindi pa kami nakuntento, nagsunog kami ng
plakards at gulong sa gitna ng kalye. Doon dumating ang mga parak.
Nagkairingan. Sigawan. Hangang sa mainis ang mga parak pinaghuhuli
kami isa’t – isa. Nakatakbo si Lona. Sa malas, pareho
kaming nahuli ng tatay mo. Tuwang – tuwa nga si Magan***,
ung suki naming parak, at nahuli na naman niya kami. Selda ang
bagsak namin.
Madilim na noong palayain kami sa may WP*. Engot talaga yang
mga parak na ‘yan, binigyan pa ng isang sipa ang tatay
mo bago kami palayain.
Niyaya ako ng tatay mong matulog na lamang sa kanila. Ako naman
si gaga pumayag. Nangyari ang hindi namin pareho inaasahan. Wala
mang pag – ibig na namagitan, alam ko sapat na ang kalungkutan
namin sa isat – isa para maramdaman ang marubdob na pagnanais
na maangkin ang bawat isa.
Hanggang sa ngayon hindi ko pa rin maintindihan kung ano nga
ba ang damdamin ko sa tatay mo. Sapat na ba ang minsan naming
pagkakamali upang maunawaan kong may hihigit pa sa pag – ibig
na nararamdaman ng tao sa bawat isa. Iyon naman lagi ang sinasabi
ng tatay mo. Na ang pag – ibig ay isa lamang ideyang pilit
iginuguhit ng tao sa kanyang panaginip. At dahil hindi niya naiintindihan
ang kanyang tunay na nararamdaman, kailangan niya ang damdaming
iyon upang kahit man lang sa sandali maging konkreto ang nararamdaman
niya.
Kay Maria Lorena. Alam ko pinatawad mo na ako. Dadalaw ako
sa iyo, alalayan kita ng bulaklak—iyong itim na rosas.
***
‘Dedi’ ang tawag mo sa akin. Walang pinakamasayang
sandali nang una mong sambitin ang katagang ‘dedi’.
Inosente, simple, parang binibigyan mo ako ng pagkakataong dalawin
ang silahis ng araw sa may Abra. May kasimplehan ngunit nandoroon
ang lalim na gusto mong ipadama sa akin. Hinihingi mo sa akin
ang pagkakataong maunawaan ang lipunan sa mura mong isip. Pakiramdam
ko sa simple mong kataga, natututo ka nang mag – isip.
Sa iyo, baby, babaguhin ko ang itinadhana ng lipunan
para sa amin ni Cecilia. Alam ko hindi mo pa naiintindihan kung
paano ang maging anak. Kung ano ka ba sa buhay ko. Mahirap ipaliwanag
ngunit ikaw, baby, ang siyang nagdudugtong sa aking
nakaraan. Ikaw ang alegorya ng aking kabataan. Minsan gusto kong
sagutin sa aking sarili kung ano nga ba ang isang Ama. Paano
nga ba ang maging isang Ama? Sa katayuan ko, wala akong ibang
maipagmamalaki sa iyo kundi ang turuan ka kung paano ang mag – isip.
Maliban doon, sa tingin ko, wala na.
Aaminin ko hindi pag – ibig ang naging daan upang iluwal
ka sa mundo. Mas gusto kong sabihing kalungkutan ang naging kanlungan
namin ni Cecilia sa panahong hinahanap namin ang aming mga sarili
sa karimlan. Tanging ang sandali ng pagnanasa sa isa’t – isa
ang nagbigay ng himig sa lipunang natutulog. Noong gabing iyon,
nakita ko ang aking sariling nangangarap ng magandang kinabukasan
sa tabi ng estrangherong babae, ang katawan nito’y nababalutan
ng puting kumot. Noon ko naunawaan na ang tanging hinahanap ng
tao ay ang maintindihan ang kanyang kalungkutan. Maliban doon,
ang pag – ibig, kapangyarihan, kaligayahan ay mga tanging
mga talinhaga na lamang ng kanyang pagkatao na hindi niya kayang
mabigyan ng kahulugan.
Mahal kita. Lona, patawarin mo ako kung ang pag – ibig
na gusto mong maramdaman ay kalungkutan na gusto kong ipadama
sa iyo. Patawarin mo ako kung naramdaman ko ito kay Cecilia.
Gusto ka niyang ipalaglag. Ang katwiran niya, hindi pa panahon
para isilang ka sa mundo. Baby, ipinaglaban ka ni Lona.
Noong mabalitaan niyang nagdadalang-tao si Cecilia bumaba siya
agad ng bundok. Kinumbinsi niya si Cecilia. Pumayag siya sa kondisyong
sasama siya kay Lona pag – akyat niya ng bundok pagkatapos
niyang manganak.
Makalipas ang isang taon, umakyat ako ng bundok upang kumbinsihin
si Cecilia na magsama na kami at mamuhay na sa lungsod. At bago
kami bumaba ng bundok nagkaroon ako ng pagkakataong makausap
si Lona. Naramdaman ko sa tinig niya ang pagmamahal na inialay
niya minsan sa akin. Sa huling sandali naunawaan ko ang kanyang
damdamin, ang kanyang kalungkutan na kailanman hindi ko nakita
noong nasa lungsod pa kami. Sa palagay ko iyon na ang huli naming
pagkikita.
Sampung taon ang nakalipas. Iba na rin ang pangulo ng Pilipinas,
si Estrada. Si Cecilia, nagboluntaryo siya sa isang NGO na nangangasiwa
sa karapatan ng mga babae. Ako, ipinagpatuloy ko ang pangarap
ng nanay mo sa kanyang sarili: ang maging manunulat. Si Lona,
simula noong kabataan namin bakal ang naging panuntunan niya
upang mabuhay.
Sadyang ang mga pangyayari ay umiikot lamang. Kasagsagan noon
ng Impeachment ni Estrada sa salang pandarambong nabalitaan
naming napatay sa isang raid si Lorena. Hayup sila. Kasama ng
dalawang estudyanteng gumagawa ng artikulo tungkol sa malulupit
na naging karanasan ng mga magsasaka sa kanayunan niratrat ng
militar ang bahay na tinutuluyan nila. Patay na pinatay pa ulit.
Alam ko noong umakyat siya ng bundok upang dalawin si Lona
iniwan niya sa lungsod ang kanyang pag – ibig. Bitbit ang
kanyang prinsipyo, hinding – hindi ko na makikita pa si
Cecilia. Marahil nga wala akong alam kundi ang mga karunungan
na itinanim ko sa aking isipan. Marahil tama ang iyong ina, ngunit
sa kultura natin pinatay ko na ang aking sariling may mangayayari
pa sa ating lipunan. Hindi tinuruang mag - isip ang mga indio.
Hindi ko alam kung sa kaunting sandali ng aming pagsasama naramdaman
ko ang ang pag –ibig na inialay niya sa akin. Ang alam
ko, nahalikan ko ang kanyang labi kasama ang kanyang kalungkutan.
Patawarin mo ako, baby, kung hindi mo nakita ang iyong
nanay sa iyong ika-sampung taon na kaarawan.
Maria Lorena, alam ko pinatawad mo na ako. Cecilia, Salamat
at naunawaan mo ang aking kalungkutan. Kasama si baby, dadalawin
namin kayo at aalalayan ng bulaklak—iyong itim na rosas—sa
lupang ngayon kayo ay nakahimlay.TAC |