| Ang Notebook ni Istakel
(Isang pagbabalik-tanaw pagkatapos kong basahin ang The
Unbearable Lightness of Being ni Milan Kundera.)
Panimula
Paumanhin, sa iyo, kung ang aking mga akda’y
hindi talagang sadyang tinimpla para magbigay ng inspirasyon
(metapisikal man o éklat lang, alam ko sinasamba rin nito
ang musa ng literatura at indibidwalismo), sa katotohanang mas
masarap makipagtalik kapag ikaw’y nakatayo o kung ikaw’y
ay nasa ibabaw at nangangawit na, gayun din, walang pinakamasarap
damhin sa larangan ng Buhay kundi ang sariling kalungkutan—at
unawain ito.
Tinanong mo ako kung mahal kita. Hindi ako sumagot. Muli kang
nagtanong. Tinitigan lang kita.
Oo, iniibig kita.
I - Spiderman, 3:10:15 am
Alam mong matagal ko nang trip magpakamatay! (Dangan
nga lamang kasi ay hinihintay ko pa ang prequel ng LOTR na The
Hobbit, ang bagal naman kasi ni Peter Jackson eh!). Nakakaburaot
din naman kasing tumayo na lang sa isang tabi at ni wala man
lang akong iniisip (Sex at Existence at si Kristine Hermosa lang
naman ang laman ng isip ko, ‘di ba?) Kaya heto, iniisip
ko, gusto ko na talagang magpakamatay.
Iniisip ko nga ako si Spiderman, mag-isa lang akong nakatunghay
sa lawak kalangitan sa mga matataas na gusali tulad ng World
Trade Center o kaya tatayo akong walang saplot sa mala-higanteng
Colossus of Rhodes. Wooossshhh…ang sarap ng hangin. Pakiramdam
ko mas magaan pa ako sa lahat ng particle at anti-particle na
umuukopa sa bawat espasyo ng matter. Tapos, tatayo ako don sa
pinakatuktuk, tatanggalin ko ang maskara ko, at kakausapin ko
ang aking kamatayan, “Hey, kiddo! Tell the world I don’t
give a damn to their shit and dreams!” Ang sarap siguro
non, loaded ka ng angst at kalungkutan. Para akong bangag na
rakista.. Tapos bago ako tatalon, hihinga muna ako ng malalim,
kinakabahan (kakabahan ka syempre dahil first time mong magpakamatay
eh!), sige, hinga pa ng malalim, sisiguraduhin kong may oxygen
pa akong nalalanghap. Tapos, titingin ako sa ibaba…makakaramdam
ako ng vertigo, pakiramdam ko masusuka ako sa taas ng kinalalagyan
ko. Tapos, maaalala kita. At kapag naaalala kita, naaalala ko
ang ating rendevouz: ang penthouse, ang terrace, at ang opis
nating nagmumukha nang bodega, at tititigan ko ang boung kamaynilaan,
feeling ko naglalakbay ako sa interplanetary space, para akong
nakalutang sa curvature ng spacetime, nakakatakot. Bubulungan
ko ang hangin, susuyuin ko kahit sandali ang haplos nito sa aking
nangangatog na buong katawan. Sa puntong ito, ayokong umiyak.
Ayokong umiyak dahil sa katotohanang ikaw pa lang ang babaeng
iniyakan ko. Bad trip ka naman kasi, eh! Gusto kitang murahin.
Ang laki mo naman kasing tanga. Iinom ka lang ng tubig yung may
lason pa. Ang saklap, alam mo ba iyon. Parang gusto kitang patayin.
Iiwan ko na ang mundo (Iiyak ba ako?). Pati nga mga Hentai ko
at collection ko ng Barely Legal ipinamigay ko na sa basurero
naming si Doggie. Sa wakas magkikita na rin kami nina Yogimbo
at Alex at Floyd.
Halo! Heto na. Tatalon na si Spiderman. (Teka nga pala, ang
Spiderman na sinasabi ko ay yung nasa komiks na kababasa ko pa
lamang ngayon at hindi yung nasa Movie ha! Pangit ung movie kasi, ‘alang
dating. Hollywood kitsch, ika nga. American Junk. Isa pa ayokong
gumanap na gagamboy si Tobey Maguire. Dapat siya na lang si Venom
o kaya si Lizard.)
Heto na, tatalon na talaga si Spiderman. Mamimiss kita. Hahawiin
ko ang ulap para sa ating dalawa, sabay nating panoorin ang kaligayahan
ng mundo, sabay nating iyakan ang kagaguhan ng mundo, sabay nating
laitin ang kanilang kalungkutan, samantalang ang ating kaligayahan,
kagaguhan at kalungkutan ay itatago natin sa bawat pahina ng
librong ating binabasa.
Heto na, tatalon na talaga si Spiderman. Hindi mo ba ako pipigilan?
Hindi mo ba ako aawitan? Ipagtitimpla mo ba ako ng kape habang
ginagawa ko ang kauna-unahang indie film ko? Magkasama ba nating
panonoorin ang In the Mood for Love kahit nauna ka nang
umiyak sa melodrama nito? Sasamahan mo kaya akong manood ng Cinemanila
at French Film kahit adik na dik ka sa mga telenovela at mga
palabas na reality t.v.?
Teka, huwag na lang kaya akong tumalon, sayang din itong costume
ko eh.
II - The Hobbit, 3:33:35 am
Nilalait kita kapag nadaratnan kitang nanonood ng Sanay
Wala nang Wakas sa bahay niyo, tapos sasamahan mo pa ng
pagbabasa ng mga Helen Meriz Pocketbooks. Feeling ko kasi iniinsulto
mo ‘ko lalo na kapag kinukwentuhan kita ng aking mga
sexual encounters kasama si Stephen Hawking. Pakiramdam ko
noon, wala ka nang pag-asang matuto mula sa mga sinulat nina
Hemingway, Dostoyevsky, Tolstoy, Harper Lee, o sina Asimov
at William Gibson, at mamamatay ka na lang na hindi mo man
lang nasisilayan ang naging kalungkutan din nina Joaquin, Lumbera,
Sicat o F. Sionil Jose man lang. Lagi ka kasing nagmumukmuk
sa mga telenovela, at iniisip mo na ikaw ang bidang babae sa
mga karakter ni Barbara Delinsky. Nakakainis nga eh, ni hindi
ka man lang nagpakita ng atensyon at kasiyahan nang minsan
kitang kwentuhan tungkol sa mga blackholes, supernova, comets,
galaxies, quasars, planets, stars, anti-matter at matter. Parang
gusto kitang tapunan ng mainit na kape nang tinulugan mo lang
ako. Alam mo bang Nagsaliksik pa naman ako tungkol sa paano
namamatay at nabubuhay muli ang mga galaxies. Bilang ganti,
tinulugan rin kita nang minsang napilit mo akong manood ng Forevemore,
gusto ko nga rin sanang isigaw na ang pangit-pangit ni Kristine
Hermosa—kamukha moh!
Masyado kang kikay kung magmahal. Hindi ko alam kung nang iinsulto
ka nang minsang regaluhan mo ako sa Monthsary natin ng Helen
Meriz Collection. Parang gusto kong isampal sa iyo ang libro
niya, alam mo namang bigot ako pagdating sa mga panlasa
sa Panitikan. Wala akong ibang sinasamba kundi ang mga librong
may creative process. Para sa akin, ang mga akdang puro kilig
ang tema eh mga romantic trash at ito ay para lamang sa mga mababang
uri, para sa mga demagogue na hindi nakakaintindi ng creativity.
Kaya nga hindi ako nagtataka kung bakit naging ‘call center
capital’ ang bansa natin. Pasensya na bigot talaga ako,
eh!
Ngunit may sinabi kang libro na hinangaan kita ng lubusan. Minahal
ng todo. Hindi rin naman pala absolute ang katangahan mo, naisip-isip
ko. Tinanong mo sa akin kung nabasa ko na ang Lord of the
Rings. Oo, sabi ko, nagtayo na nga ako ng kulto ni Tolkien,
eh! Natawa ka. Nakita ko sa ngiti mo ang kaligayahan na hindi
ko nakikita sa mundo. Sabi mo pinakagusto mo ang The Hobbit,
lalo na don sa kung paano binigyang buhay ni Tolkein si Gollum
sa kanyang pagiging sinister. Nagtaka ako, hindi ko akalaing
ang isang katulad mong hopeless romantic ay may itinatagong literary
taste.
Dahil don, minahal kita ng lubusan.
At ang sumunod, binigyan ko ng puwang sa aking puso ang mga
baduy na kwento ni Meriz, sabay nating sinubaybayan ang mga kwento
ng Sanay Wala nang Wakas. Noon ko naintindihan na existential
din pala ang pagsubaybay sa mga telenovela. Wala akong ibang
pag-aari sa mundo kundi ikaw lamang kasama ang mga sandaling
pinagsaluhan natin, si Kristine Hermosa (sa aking mga panaginip)
at ang plot ng telenobela nitong pilit mong ikinakabit sa buhay
mo.
Noon kita unang naramdaman. Noon kita unang nakita sa puso ko.
Dito ko napatunayan na ang pag – ibig ay walang katapusang
kabaduyan ng magsing–irog—kahit sa ibabaw ng kama.
Sapagkat, sa kabaduyan lamang mararanasan ng bawat isa ang init
na dala ng kanilang pag-ibig.
Naaalala ko pa noon, ang sabi mo sa akin, “Mas masarap
akong magmahal kaysa kay Kristine.” Hanggang ngayon iniisip
ko pa rin yon. Hinahanap ko iyon sa libro ni Kundera. Nagbakasakali
ako na baka naramdaman din niya ang aking nararamdaman sa tuwina
ikaw ang aking kasama. Hindi ako nabigo, isinalaysay niya iyon
sa katauhan nina Tomas at Tereza, dalawang karakter sa kanyang
nobela, kasama ang kani-kanilang mga poetic memory.
Ika nga ni Kundera mula sa katauhan ni Tomas: “Love
does not make itself felt in the desire for copulation but
in the desire for shared sleep.”
Akala ko kilala na kita ng lubusan. Akala ko mula noong yayain
kitang makipagtalik sa isang motel sa Avenida nahalikan ko na
pati ang dumi ng iyong talampakan at singit. Nagkamali ako. Ibinigay
mo sa akin ang bukbuking libro. Sabi mo regalo yan ng lolo mong
matagal nang hindi nagmumulto sa inyo. Binasa ko ang pamagat.
Muli kong binasa ang pamagat: The Hobbit.
III – Manipesto ni Istakel, 4:10:30 am
Naglalakad ako noon sa may Avenida, naghahanap ng Porn Mag,
nagbabakasakali na makahanap ako kahit second hand na lang. Hindi
pa uso noon ang mga DVD’s o CD’s na porn. Wala pang
Hentai, wala pang Barely Legal. Hindi ko pa alam noon na may
MiRC, Yahoo Messenger, at lalong lalo nang ‘ala pa akong
ka-text mate (kasi ala pa naman akong mobile phone.) Noon ko
lang naunawaan na nakakaburaot ang mabuhay. Minsan din pala nakakaumay
din ang maglakad. At iniisip mo ang tanging nagbibigay na lamang
sa iyo ng ganang mabuhay ang ang iyong malawak na imahinasyon.
At ang lawak nito’y nilalakbay hanggang sa pinakdulo ng
iyong sekswal na realidad.
Iniisip ko kung ano ang mga pakay ng bawat taong nakakasalubong
ko dito sa Avenida. Dahil hindi ko pa nakikilala noon si Super
Blag, tanong lamang ang naisagot ko mula sa aking mga katanugan:
Nasaan si Tig-Ong? Naisip ko, maraming naglalalakad sa Avenida
dahil maaaring: una, mula sa mga sasakyan, trapiko, establisyemento,
tao, aso, dumi ng aso, pusa, dumi ng pusa, pulubi, hinahanap
nila si Tig-Ong sa kanilang buhay; pangalawa, maaaring mula sa
recto hanggang Bambang o Recto hanggang Divisoria nilalakad nila
ang daan, hindi man nila alam kung saan, patungo kay Tig-Ong.
Nagbabakasakali sila na nakatago lamang ang pag-asa ng buhay
sa ilalim din ng kawalang pag-asa ng buhay.
Hindi kaya isang batang dispatcher si Tig-Ong? Wala lang nakakapansin
sa kanya sa kadahilanang wala naman siyang kapangyarihan na magbibigay
ng himala.
Magbalik tayo sa paghahanap ko ng Porn Mag. Noong araw na iyon,
ayokong umuwi na wala akong nabibili. Nakakabato sa bahay, hindi
ako pwedeng magmukmuk na lang, gusto ko masabi ko sa sarili ko
na may kahulugan din naman ang buhay ko—kahit man lang
sa second hand na porn mag.
Nilibot ko ang bawat sulok ng Avenida. Nawawalan na ako ng pag-asa
nang maisipan kong dumaan sa Recto, nagbabakasali doon ko mahahanap
ang aking pakay. Diniretso ko ang daan patungong Recto, tumawid
ako nang makarating sa may tapat ng Isetann. Tumingin ako sa
mga bangketa, sa mga naglalako ng mais, sa mga nagmimimeo, sa
mga dispatcher, nagtanong ako sa isang bugaw. Wala. Tumingin
ako sa mga libro na nakahilera doon. Wala. Puro mga textbooks
na wala nang kwenta, sa bawat pahina non ay mga nilulumot nang
mga karunungan na hindi napapakinabangan. Gusto ko nang murahin
ang mundo. Sa inis ko diniretso ko ang paghahanap hanggang Mendiola.
Nang nasa tapat na ako ng unibesidad sa may tapat ng simbahan,
nagtanong na ako sa pulubi kong may itinitinda siyang nakahubad
na magazine. Ang sabi niya wala. Sigh. Malas talaga.
Dito ko naisip si Tig-Ong. Napag-isip isip ko, baka nasa lata
lang ng pulubi si Tig-Ong, nagtatago sa maraming tao. Ano ba?!
Nagugutom na ako. Nagugutom ako sa iniiisip ko. ‘Alangya
sampung piso na lang pala ang pera ko. Muling nagbalik sa akin
ang katauhan ni Tig-Ong. May kahulugan kaya ang sampung piso
ko sa paghahanap ko ng Porn Mag? May Divine intervention kayang
nangyari kaya wala akong mahanap na Porn Mag? May kaugnayan kaya
ito sa nagugutom kong tiyan? Gusto kong itanong ito sa pulubi
baka alam niya ang mga kasagutan sa aking mga katanungan. Gusto
kong isigaw ang lahat ng aking mga tanong sa mundo baka sakaling
marinig nila. Malay mo limusan pa ako ng kaunting pang-unawa.
Pero Bad trip! Maiintindihan kaya nila ako. May Divine purpose
nga kaya? Noon ko naisip na maaring isang haka-haka lamang si
Tig-Ong sa isipan ng maraming tao. Pwede ring ginawa ko lang
si Tig-Ong upang magbigay ng isang mitolohiya. O baka naman bahagi
lang siya ng isang cosmic fog na hindi nawawatasan ng mga tao.
Hindi kaya si Tig-Ong ay isa lamang pulubi na nangangarap makagawa
ng isang indie film gamit ang pamatay na Dogme style ni
Lars von Trier? Hmmm…ano ba! Nagugutom na ako. Pwede kayang
kaiinin si Tig-Ong?
Makakabili kaya ako ng porn mag kahit hindi ako naniniwala kay
Tig-Ong?
Parang gusto kong halikan sa pwet ang mundo sa aking naunawaan.
Ito ang aking natatanging kaliwanagan. Noon ko lang
naisip na kaya ako hindi nakahanap ng Porn mag ay sa kadahilanang
walang Tig-Ong na magbibigay sa akin ng rason at kahulugan kung
bakit ako bibili ng Porn Mag.
Umuwi akong masakit ang puson nang araw na iyon.
IV - Penthouse, Infiniti
Nakita kita minsan sa terrace, nakaupo sa ballister, nag-iisa,
katabi mo ay mainit na kape at tinapay na walang palaman. Nilapitan
kita, napansin ko malalim na naman ang iniisip mo. Tinawag kita,
lumingon ka lang at ngumiti. Kinumusta kita, sabi mo okay ka
lang. Tinanong ko kung ano ang iniisip mo, sabi mo, wala. Wala.
Napakasarap sigurong yakapin ang wala. Gusto ko nga sana naman
kitang laitin nang masulyapan ang hawak-hawak mong tagalog pocketbooks,
naunahan mo lang ako ng pagtatanong. “Nabasa mo na ba ulit
ang The Hobbit?” ang tanong mo sa akin. Nag-alangan
ako sa isasagot ko. Alam ko kahit ako gago, hindi ko pa rin matitiim
na makitang malungkot ka. Ngunit mas matimbang ‘ata ngayon
sa puso ko ang pagiging matapat. Sinabi ko hindi na ako nagkaroon
ng pagkakataong ulitin pa kasi marami pa akong binabasa ngayon.
Pinagmasdan ko ang maganda mong mukha ngunit hindi man lang nababanaagan
ng kunting kalungkutan. “Ayaw mo bang basahin ulit ang
libro?” ang muling tanong mo sa akin. “Saka na siguro,
medyo tinatapos ko pa kasi si Asimov,” ang sagot ko sa ‘yo. “Bakit
ano ba ang hinahanap mo sa isang libro?” ang patuloy na
tanong mo sa akin. “Wala. Kahit ano. Sa ngayon, medyo sinusubukan
ko ang Sci-fi, medyo nawili ako kasi sa binasa kong Neuromancer,” ang
turan ko sa iyo. Gusto ko sanang sabihin na gusto kitang makita
sa bawat pahina na binabasa ko. Ngunit nahihiya ako. Nahihiya
akong sabihin na gusto kitang maramdaman sa pamamagitan ng malilikot
na imahinasyon ng may akda sa kanyang panitikan.
Ibinalik ko ang tanong sa iyo. “Ano bang mayroon sa The
Hobbit at gusto mong ulitin ko iyon?”
“Wala. Gusto kong makita mo ako roon.”
V - The Hobbit, 4:45:5 am, karugtong
Alam ko hindi mo na malalaman na binasa ko ulit ang The
Hobbit. Pinapantasya ko nga sa foreplay natin na ako si
Gollum at ikaw si Bilbo. Masaya siguro non? Ngunit gusto kitang
murahin sa ginawa mo. Binigyan mo pa ng juxtaposition ang buhay
mo. “Es muss sein” nga ba? Ngayon naiintindihan
ko na. Sa mga libro ni Helen Meriz itinago mo ang iyong tunay
na sarili. Gusto mong ihiwalay ang sarili mo sa panitikan,
katulad ng kung paano ang mundo ngayon ay nakakawalang-gana
dahil inihiwalay niya ang kanyang sarili sa panitikan bagkus
pilit hinahalikan ang komersyalismo at globalisasyon. Tama
ba ako? Binigyan mo ng teorya ang buhay mo. Itinago mo ang
iyong metapisikal na katauhan sa libro ni Tolkein. At gusto
mong makita kita doon, hindi ba? Ang laki kong tanga. Bakit
ba hindi ko agad naintindihan yun. Gusto kitang murahin. Naiiyak
na tuloy ako.
Hindi ko alam kung saan nagsimula ang galit mo sa Panitikan.
Isa lang ang naiintindihan ko, niyakap mo rin ako kasama ang
panitikan.
Noong nakaupo ka sa Terrace, pilit kong inaaninag kung ano man
ang nakatago sa iyong walang kadamdadamdaming mukha. Nagbabakasakali
na maintindihan ko doon ang iyong malalim na iniisip. Ngayon,
alam ko na kung ano ang iniisip mo: gusto mong tumalon mula sa
kinauupuan mo. At katulad nina Tomas at Tereza, binibigyan mo
ng pagkakataon ang sarili mo na pumili, dahil katulad nila, hindi
ka naniniwala na ang buhay ay paulit-ulit na siklo o eternal
recurrence, wala kang pagpipilian kundi ang magdesisyon—at
hanapin ang sariling kaligayahan. Iniisip mo na kapag tumalon
ka at nabugok ang ulo mo sa semento makikita mo na ang hinahanap
mong kaligayahan.
Paumanhin, ngunit may sinabi si Kundera sa libro niya. Sabi
niya: “Human time does not turn in a circle; it runs
ahead in a straight line. That is why man cannot be happy: happiness
is the longing for repetition.”
VI – Kristine Hermosa, 4:59:10 am
Oo, pinangarap kita. Hinagkan, sinuyo sa aking mga panaginip.
Mula sa iyong mga Mascara sinubukan kong gumawa ng kanta.
Mula sa iyong mga lipstick tangan – tangan ko ang mga kakaramput
na mga kataga—gagawin kong mga tula—iaalay sa iyo.
Noong una kitang masilayan sa T.V. akala ko nakita ko na ang
matagal ko nang hinahanap na Porn mag sa Avenida. Ngunit higit
pala roon ang makikita ko. Naaalala ko siya kapag nakikita kita
sa T.V. Minsan nga napapaniginipan pa kita. Nito ko lang naintindihan
na kategorikal ang eksistensya ng tao, lagalag man siya hindi
pa rin niya matatakasan kanyang eksistensya at kamatayan. Maliban
don sa tingin ko. ‘ala na.
Ikaw ang isa ka sa mga dahilan kung bakit patuloy akong nabubuhay
sa kabila ng pagkaumay ko sa Buhay. Alam ko, mahal ko ang panitikan,
ngunit nasa iyo ang imahinasyon ko kapag malapit ako sa aking
kama at walang tinta ang aking pluma. Matutulog akong ikaw ang
aking musa.
Maganda ka kayang titigan sa centerfold?
VII - Superman, 5:10:45 am, karugtong
Heto na ulit si Spiderman, tatalon na ulit! Teka, matanong ko
lang, mamamatay kaya ako kapag tumalon ako mula dito? Sigh. Ayoko
pang mamatay. Trip ko lang magpakamatay pero ayoko ko pa talagang
mamatay. Ano na ang mangyayari sa aking utak? Paano na ung mga
sexual fantasies ko na may sampung taon ko ding inipon sa aking
reptilian complex.? Naku sayang, iniimagine ko pa naman si Kristine
Hermosa ngayon.
Palitan ko na lang kaya itong costume ko? Tama! si Superman
na lang para kung sakali mang tumalon na ako at malapit nang
makarating sa ibaba at magbago ang isip ko eh may panahon pa
para ako makalipad. Astig, ‘di ba?
Heto na. Tatalon na si Superman.
Katapusan, 1:28:40 am
Iniisip na naman kita. Kapag iniisip kita, hinihiling ko na
sana ikaw ang aking musa, nakahiga ako sa malawak na karagatan
ng uniberso, pikit ang aking mga mata, ang gaan ng pakiramdam,
at hinehele ko sa aking diwa ang bawat salita, nagbabakasakaling
makabuo ng isang payak na pangungusap—iaalay ko sa ‘yo.
Heto nga, katatapos ko lang basahin ang The Unbearable Lightness
of Being. Noong binabasa ko ang nobela naaalala kita. At
kapag naaalala kita, naaalala ko ang kwento nina Tomas at Tereza,
Franz at Sabina, Tomas at Sabina, Tereza at Sabina, at Tereza
at Karenin (aww, aww). Lalo na ngayong nalaman ko na ang catharsis
sa nobela. Pinapantasyahan kong ikaw si Tereza at ako si Tomaz.
Ngayon ko lang naintindihan na binibigyan tayo ng Diyos ng Kalayaan—a
grand word ang minsang sabi ni Lenin—sa pamamagitan
mismo ng Panitikan.
Hindi ko nga alam kung ano ang ibinigay sa aking ideya ng nobela
bakit ngayong gusto ko nang matulog ay hindi ako dalawin ng antok
at ang tahimik na upuan sa aking mesa ay pilit na nag-aanyaya,
parang gusto kong yakapin ang mga metapora na minsan ding nagbigay
ng inspirasyon kay Milan Kundera.
Heto na nga, hindi nabigo ang musa na kulitin ako. Sa kawalan
ay pilit kong binibigyan ng porma ang bawat salitang nabubuo
sa aking isipan. Bakit nga kaya na sa gabi ang musa ay walang
kasing tahimik na nagbibigay ng inspirasyon, ginugulo ka sa pamamagitan
ng kalmadong isipan, binuburaot ka sa tila hindi dumadaloy na
musika ng panahon at pagkakataon, ngunit pagkatapos non, sa gitna
ng laot, iiwan kang bigla, parang babaeng bigla na lang dumarating
at yayakap sa malamig mong kama. Ahhh…ang pagyakap sa
musa ay may kaakibat na pagdurusa, apoy na nakakadarang, masakit
kapag iniwan ka sa gitna ng iyong pagmumuni-muni, masakit sa
puson, nakakabitin.
Ano nga bang tema? Gagawa ba ako ng tula? Isang talaarawan?
Isang sanaysay? Ano ang tema? Ang magpatawa, mang-insulto o mang-gago
lang?
Ano’t ano man, isa mang walang kwentang notebook ang aking
isusulat ngayon, alam ko mayroon akong isang pakay na gusto kong
maiparating sa masa: ang balikan ang kanilang mga Sarili sa pamamagitam
ng Panitikan—dala ng walang humpay na pagyakap sa globalisasyon,
teknolohiya, internet, soft porn, cybersex, chatroom, ragnarok,
walang kwentang reality t.v., Wala akong pakialam sa porma at
straktura ng aking akda, isa man itong walang kwentang notebook
alam ko sa isusulat ko ngayon mayayakap ko sa aking panaginip
si Kristine Hermosa—kahit man lang sa isang sandaling pagdurusa
sa awit ng musa.
Heto ang aking natatanging kaliwanagan na aking napagtanto
pagkatapos kong basahin ang nobela. Tungkol man ito sa pag-ibig
o sekswal, nagsasaad man ito ng pilosopiya sa buhay, erehe man
ang tema, ang nobela at ang iba pang mga akdang pampanitikan
ay pilit ipinapakilala sa atin na walang pinakamasayang sandali
kundi ang sarili na nakakakilala sa pighati at kasiyahan ng mundo.
Si FPJ man o si GMA ang manalo, hindi man maging presidente si
Lino Brocka, patuloy man ang digmaan sa middle east, kahit maging
diktador man si Bush, iiyak man ang Bansa natin at patuloy man
ang digmaan sa pagitan ng mga rebelde at militar, marami mang
namatay na muslim, namatay man si Nick Juaquin, patuloy man ang
pagdasa ng mga pinoy upang magrabaho o magpaalila sa ibang bansa,
kahit ang tingin man ng ibang kababayan natin ay maganda ang
call center, kahit walang kwenta man ang Troy at bagsak
ako sa World Literature, alam ko patuloy pa ring bubulwak na
parang bulkan ang pagnanasa natin sa Panitikan. Hindi natin maitatangging
ang bawat pahina na minsang naging kanlungan ng buhay ng mga
Kwentista ay isang napakasagradong lugar na tanging paglalakbay
lamang ng isipan natin sila maiintindihan at ang mundo. Ngayon
ko naiintindihan na ang diwa ng Panitikan ay pantay – pantay,
si Helen Meriz man o Milan Kundera ang nagsulat nito.
Tinanong mo ako kung mahal kita. Hindi ako sumagot. Muli kang
nagtanong.
Oo, iniibig kita.
|
|