Puwang sa anino ng kahapon
Ang lahat ay nakapinid sa alaala.
Magdadalawang oras na akong naghihintay ay wala pa rin siya.
Alas tres ang usapan namin, ngayon ay magtatakipsilim na. Nakakainip.
Nabuburo na ako sa mga taong dumaraan sa aking paligid—umiikot,
pabalik – balik sa aking isipan. Nakakabato. Ang patuloy
na daloy ng tao’y nakapagdaragdag sa inip ko. Napakakitid
ang daan na iniikutan ng tao, naisip ko. Para akong maduduwal.
Melankolya.
Maingay ang matandang nagtitinda ng diyaryo sa may gilid ng
bangketa. Nakikipagdiskurso sa isang binatilyong marahil ay anak
niya, kumakain ng suman. Nakaupo naman ang binatilyo sa di kalayuan
na kung saan nakapwesto ang matanda. Sumasabay ang kamay ng matanda
sa pagpapaliwanag ng napakaliteral na bagay: “Dapat patalsikin
na talaga yang si FPJ sa Malacañang, hindi na talaga tayo
natuto; putang_na naman kasi tayo, eh!” Patuloy lamang
sa pagkain ng suman ang binatilyo. Pahapyaw kong binasa ang Headline
na kung saan nakahilera ang mga diyaryo: ‘I will not Resign,
FPJ’. Natawa ako. Kupaloids!, sigaw ng isip-isip ko.
Tila isang lakaran ang bawat titik ng diyaryo—sa isang
tabloid ay mga larawan ng mga nakahubad na babae, hindi ko na
matandaan ang mga pangalan, nagpapahiwatig man iyon ng isang
kahulugan, nagsasaad man iyon ng mga pangyayari nananatiling
sarado ang bawat lalim ng mga larawan at ng mga salita sa damdamin
ng tao. ‘Dalagita natotnak ni Lolo’. ‘Manggagawa
at mga Urban Poor nagpiket sa Mendiola’. ‘FPJ Resigned!’ Para
akong maduduwal pagkatapos kong mabasa ang mga Headline sa diyaryo.
Parang gusto kong takasan ang lugar na ito.
Ang tao ay isang bagay na bahagi ng pagbabago, sa isang mala-dimensyonal
na estado ng panahon. Hindi malaya sa isang espasyo, sa Diyometriko—parang
blanko ng isipan. Isang larawan na nagpapakita ng eksistensya
sa Diyometriko.
Iiwan ko ang lugar na ito bilang isang bahagi na lamang ng aking
kahapon, ng mga pangyayari sa teksto ng aking buhay.
Lumayo ang aking tingin sa kung saan ako nakatayo. Gusto kong
takasan ang lahat sa pamamagitan ng aking mga tingin sa kalayuan,
sa hangganan. Napadako ang aking tingin sa nakasulat sa pader,
parang dugo ang kulay ng pulang tinta na bumakat sa matigas na
semento. Naghihimagsik ang mga titik—naghahanap ng kalayaan,
ng pagbabago sa lipunan. Naaalala ko tuloy ang aking mga kasamahan
sa Bicol, ang talbos ng kamote, ang putik, ang natutuyong lupa
ni Mang Gusting, ang aking mga bukbuking mga libro na nilalait
ni Amparo at ang makukulit na bangayan namin, ang samyo ng gabi
kapag malapit na ang anihan.
Naaala ko siya. “Putang – ina,” sigaw ng isip
ko.
Nagsisimula nang lumatag ang dilim. Mamamatay na ako sa kahihintay.
Napagtuunan ko ng pansin ang isang pulubing nakahiga sa may di – kalayuan,
katabi nito ay isang lata. “May pagkakaiba kaya ang pulubi
at ang lata sa dimensyonal na katauhan ng isipan,” bulong
ko sa aking sarili. Mistula siyang isang bato, walang buhay.
Ang lata katulad ng tao ay walang damdamin. Ang lahat ay bahagi
lamang ng paggalaw ng aking isipan—ng pag – iisip
sa isip ko. Umiba siya ng ayos sa pagkakahiga, nagsimulang mamaluktot. “Isang Inertia,” naisip
ko.
May tumapik sa aking likod. Siya. Humihingal at hinahabol ang
paghinga. Sinubukan kong hawakan ang kanyang buntonghininga,
damhin ang lalim nito. Nagtagpo ang aming mga mata, malumanay
ang bawat titig, may buhay na maaaninag, may mga pangarap na
mararamdaman—mga iiwan at magsisilbi na lamang puwang sa
anino ng nakaraan. “Kanina ka pa ba?” tanong niya.
Napansin kong dala na niya ang kanyang mga bag. “Pasensya
na, medyo nagka-iyakan pa kasi kami ni nanay, eh!” Medyo
natatawa na nalulungkot niyang sabi.
***
Sana kaya kong ilapat ang aking damdamin sa aming mga alaala,
itong sandaling ito na aming pagsasaluhan. “Ang lahat ay
magiging bahagi ng nakaraan.” Pabulong kong sabi. Natigilan
siya. Hinalikan niya ako sa aking labi at ibinulong ang mga kataga
sa aking tenga: “Mahal na mahal kita.” Ang lahat
nga ba ay isang espasyo sa mala-dimensyonal na Diyemetriko? Ang
lahat ay mistulang mga kataga sa aking isipan, nilulunod ka sa
lalim nito, sa pagmamahal na humahaplos sa iyong isipan.
Tinitigan ko siya, matagal, waring doon ko gustong ipabatid
ang isang pag – ibig na nagsisimulang malagas, natutuyo
na parang dahon at malalaglag sa lupang punong – puno ng
pakikibaka. “Kung ang pag – ibig ay bahagi ng isang
espayo, bakit hindi niya kayang punuan ang kakulangan ng buhay?”
Nagsisimula nang tumulo ang kanyang mga luha. Nag – uunahan
iyon sa kanyang mga pisngi. “Handa ka na ba sa gagawin
mo,” tanong ko sa kanya. Saglit na katahimikan. “Ikaw,
handa ka na bang iwan ang buhay na minsan mong ipinaglaban?” pabalik
na tanong niya sa akin. “Ewan, mahirap ipaliwanag. Ikamusta
mo na lang ako sa mga kasamahan natin doon. Pakibigay kay Amparo
ang libro. Pakisabi sa kanya wala na siyang makaka-debate sa
pilosopiya.”
Muli ay hinalikan niya ako sa labi, mariin, dinadama ang pag – ibig
na bubuksan na lamang sa alaala.
***
Mahal,
Patawad.
Hindi ko pala kayang takasan ang aking sarili. Marahil, mas
ginusto kong harapin ang aking sariling kamatayan kaysa ang ipaglaban
at hanapin ang ‘kalayaan’ ng ating lipunan.
Paalam.
011411
Inilapag ko ang aking sulat sa tabi niya. Iniabot ko ng tingin
ang kanyang hubad na katawan, may kalungkutan. Ayokong iwan ang
sandaling ito, ang sandaling magbibigay sa akin ng dalamhati
at panghabang buhay na pagyakap sa kanya sa pangarap na lamang.
Yayapusin na nga lang ba kita sa aking mga alaala?
Hinalikan ko siya sa noo…sa labi.
Ang lahat ay mananatiling nakapinid sa alaala.
|