Free Web Hosting Provider - Web Hosting - E-commerce - High Speed Internet - Free Web Page
Search the Web

dreams angst poetry
about suicidehere
       
 
   

Si Tig-Ong

 

Tagpuan at panahon: Sa isang bartolina sa Fort Bonifacio—madilim na kung saan ang munting liwanag ay nagmumula lamang sa maliit na bintana sa gawing kanan nila—ay may dalawang estranghero. Nakaupo ang isa, bumubulong at tipong balisa, pinag – papawisan. Ang isa ay nakatayo, hindi mapakali. Parehong kakikitaan ng mga pasa sa katawan.

Panahon ng Martial Law.

Tubotori

(May hawak – hawak na laruang baril. Kakausapin ang isang estranghero.) Shhh…huwag kang maingay. Maririnig tayo ng diyosa. (Ituturo ang kisame.) Magagalit sa atin ang diyosa ng Gabi. Huwag kang maingay! Huwag kang maingay! (Bibitawan ang hawak – hawak na laruang baril at tatakpan ng dalawang kamay ang kanyang tenga, sisigaw ng malakas.) Huwag kang maingay! Magigising ang diyosa.

Layet

(Nakaupo at nakahalukipkip ang mga paa. Titigan ang kaharap. Tatawa, pagkatapos non saka yuyuko; kakausapin ang sarili.) Naglalakad ako sa may Mendiola. Nilakad ko ang eskinitang iyon. Madilim. Mayroon akong hinahanap. Hinahanap ko si Tig-ong. Walang tao. Maraming sundalo. Maraming dugo. Nasaan si Tig-ong?

Tubotori

(Dadamputin muli ang laruang baril, itututok iyon sa kanyang sintido at saka ilalapit ang mukha kay Layet.) Halika, sama ka sa akin. Sasamahan kitang mahanap si Tig-ong. (Tatadyakan ang pintuan. Sisigaw.) Hoy, buksan niyo ‘tong pintuan, hahanapin namin si Tig – ong!

Layet

(Iaangat ang ulo. Mapapansing biglang naging maaliwalas ang kanyang mukha at may kaunting ngiti sa kanyang labi.) Talaga. Kilala mo si Tig-ong? Sasamahan mo akong hanapin si Tig-ong?

Tubotori

Si Tig-ong? (Iisipin kung kilala niya si Tig-ong, saka magtatanong sa kanyang sarili.) Kilala ko ba si Tig-ong? Hindi. Ewan. Pero sasamahan kita sa talampas ng Burog, sasakay tayo ng kalesa at lilipad ang kabayo, mahahanap natin si Tig-Ong. Hayun siya. (Ituturo ang kisame.) Malayo. (Tatadyakan muli ang pintuan.) Malayong lugar. Sasakay ka ng kalesa. (Hihilahin si Layet patayo mula sa pagkakaupo. Mawawalan sila ng panimbang at parehong matutumba.)

Layet

(Babangon at saka kakaripas ng takbo sa isang sulok.)

Tubotori

(Nananatiling nakahiga. Nakatingin ang mga mata sa kawalan, pilit inaaninag ang kisame) Hinahanap ko ang kaligtasan. Hinahanap ko si Tubotori. Nasa kanya ang bala ng baril ko.

Layet

(Nananatiling nakaupo sa isang sulok. Hindi papansinin si Tubotori.)

Tubotori

(Tatayo at saka luluhod. Itututok ang baril sa sintido at aktong magpapakamatay.) Nasaan ang kaligtasan! Nasaan ang bala ng baril ko.

Saglit na katahimikan.

Layet

(Titignan si Tobotori) Hindi mo kaya? (Tatawa nang mahina) Hindi niya kaya. (Medyo ilalakas ang tawa.) Hindi mo kaya.

Tubotori

(Bibitawan ang baril, at saka iiyak. Nakatungo.) Ang baril walang bala. (Tatawa.)

Layet

(Lalapitan si Tubotori na kasalukuyang nakaluhod pa rin at saka bubulungan. Nanunukso at nang – uuyam.) Hindi mo kaya. (Tatawa nang malakas.) Hindi niya kaya.

Tubotori

(Tatakpan ng dalawang kamay ang tenga. Sasambitin ang pangalang Tubotori.) Tubotori…sino si Tubotori? Nasaan si Tubotori? Pupuntahan ko si Tubotori. Hahanapin ko si Tubotori. (Titigan ang kisame.) Hahanapin ko ang kaligtasan para sa iyo…Tubotori (Umiiyak.)

Layet

(Makikita ang laruang baril. Dadamputin ito.) Nasaan si Layet? Hinahanap ni Layet si Tig-Ong. Naglalakad ako sa may eskinita. Natatakot ako. Madilim ang lugar na iyon. Maraming dugo. Maraming bala. Maraming baril. Walang tao. Hinahanap ko si Tig-ong. Isa siyang makata. Humahagilap ng mga salita, gumagawa ng walang kwentang mga tula. Gusto kong makita si Tig-ong.

Tubotori

Si Tig-Ong? Nasa may talampas ng Burog si Tig-Ong Hindi nila alam. Isa siyang Diyosa sa may talampas ng Burog. (Muli ay titigan ang kisame). Hinahanap ko ang kaligtasan. Nasaan si Tubotori? (Biglang may maaalala. Tatayo ito at uupo sa isang sulok. Kakausapin ang sarili.) Lumayas ako sa aming eskwelahan. Sumama ako kay Tubotori. Hahanapin daw namain ang kalayaan. Maraming tao. Maraming baril. Pumuputok. Boom! (Mag-aaktong may hawak hawak na baril) Bratatat-bratatat! Sabi ng baril ko. Namaril ako ng mga uwak. Ang saya-saya. (Tatawa nang malakas. Biglang mag – iisip ng malalim. Titignan si Layet at saka magtatanong.) Ikaw? Hinahanap mo ba ang kaligtasan? (Kakausapin ang sarili.) Oo, ikaw! Gusto mong makita si Tig-Ong? Naniniwala ka ba kay Tig-Ong?

Layet

(Kakausapin ang sarili.) Si Tig-ong. Gusto kong gumawa ng tula si Tig-ong. Iyong tatawa ako. Iyong iiyak ako. Iyong masasaktan ako. Hinahanap ko si Tig-ong. Isa siyang makata. Isa siyang walang kwenta. Sabi niya magbabasa lamang daw siya sa may pilapil, doon sa amin, malapit sa may kalsada, sasakay ka ng saranggola; sabi niya gagawa daw siya ng tula, iyong tungkol sa akin. (Lalapitan si Tobotori. Itututok ang baril sa kanya.) Ikaw, kilala mo ba si Tig-ong?

Tubotori

Si Tig-ong?(Iisipin kung kilala niya si Tig-ong.)

Layet

Oo, si Tig-ong. Isa siyang makatang nagsusulat ng walang kwentang tula. (Biglang may huhugutin na kapirasong papel sa kanyang bulsa. Titignan ang papel. Itatapat sa may liwanag, sa may bintana.) Heto! (Tuwang – tuwa.) Heto ang kanyang tula. Isang walang kwentang tula. (Ibibigay kay Tuboturi.)Napulot ko iyan sa may eskinita. Sa madilim na sulok ng eskinitang iyon. Walang tao. Maraming dugo.

Tubotori

(Kukunin ang kapirasong papel. Titignan, mapapansing walang nakasulat. Magkukunwaring may binabasa.) Napakagandang tula. Akin na lang ito. Iaalay ko kay Tubotori.

Layet

(Aagawing bigla ang papel kay Tubotori at lalayo ito sa kanyang kinaroroonan. Tatayo ito sa gitna at saka babasahin ang papel na parang nagtatalumpati.)

Isinulat ko sa langit

Ang aking pag – ibig, inukit

ko sa lupa ang pighati. Hinanap

ang musa, natulog ang

gabi sa aking piling.

(Pagkatapos non saka siya luluhod, itututok ang laruang baril sa kanyang sintido at saka aktong magpapakamatay.)

Saglit na katahimikan.

Tubotori

(Tatawa nang malakas. Hindi niya kaya. Hindi niya rin kaya. Hindi ko kaya. Hindi namin kaya. Ha, ha, ha. Gusto kong makita ang diyosa sa may talampas ng Burog. Nandoroon ang kaligtasan. Walang apoy, walang dugo! Walang sundalo.

Layet

Pinalaya mo ang tao? Sumama ka sa tao?. Galit ang tao. (Titingin sa may kisame). Nasaan si Tig-Ong?

Tubotori

Si Tig-ong? Hindi ko alam. Baka nagpunta sa talampas ng Burog.

Layet

Nasaan ang talampas ng Burog?

Tubotori

Hindi ko alam. Nasa itaas ng kisame.

Layet

Nasaan ang talampas ng Burog!

Tubotori

Hindi ko alam. Nawala ko ang mapa. Nasira ang saranggola, nawala ang kabayo, wala nang kalesa.

Layet

Nasaan ang mapa?

Tubotori

(Magpapahalatang may iniisip.) Hindi ko alam.

Layet

(Sisigaw.) Nasaan ang mapa!

Tubotori

Inuwi ng kabayo.

Layet

Nasaan ang kabayo?

Tubotori

Nilipad ng saranggola.

Layet

Nasaan ang saranggola?

Tubotori

Kinuha ni Tubotori.

Layet

(Lalapitan si Tuboturi, dadamputin ang baril at itututok ito sa kanya.) Nasaan si Tubotori?

Tubotori

Hindi ko alam, baka sumama kay Tig – Ong.

Layet

(Hihilahin si Tubotori patayo saka ipapalo ang laruang baril sa kanyang mukha.)Nasaan si Tig - Ong

Tubotori

(Magmamakaawa. Ituturo ang kisame.)

Layet

(Susuntukin at tatadyakan si Tubotori.)

Tubotori

(Hahandusay sa sahig pilit iniinda ang sakit na dulot ng mga suntok at tadyak ni Layet.)

Layet

(Hihilahin si Tubotori papunta sa may gitna, saka niya ito pipiliting lumuhod. Pagkatapos non saka niya ito tututukan.)

Tubotori

(Nakaluhod. Nakayuko. Bumubulong.)

Layet

Nasaan si Tig - Ong?

Tubotori

Nasa kisame.

Layet

Kakalabitin ang gatilyo.)

Tubotori

(Hahandusay sa sahig. Maghihingalo.)Si Tig Ong. Nasa kisame si Tig Ong. (Mamamatay.)

Telon.

 
   
     
  angst  
  :paano magmahal ng boobita  
  :the cubist  
  :F.  
  :dalawang yugto sa mga bling-bling at burloloy na pag-ibig ni istakel  
  :si tig-ong  
  :death and nostalgia  
  :'yellow submarine'  
  :itim ang damdamin ng libog  
  :1000 km. conversation  
  :ang notebook ni istakel  
  :puwang sa anino ng kahapon  
  :dedi  
     
 
   
   

 

home dreams angst poetry about suicideHere
 
 
Copyright© 2005. suicideHere v1. All Rights Reserved.