| Dalawang yugto sa
mga bling-bling at burloloy na pag-ibig ni
Wan-to fly
Mahirap daw ipaliwanag kung ano ang Pag-ibig. Emosyon raw ang
nagdidikta hindi ang isipan. Hindi matematika at hindi din lohika.
Mga simpleng banat lamang ng puso ang tanging kumokontrol at
kumukurot sa dibdib ng taong tuliro sa bintana ng pag-ibig. Marahil
kung susubukan mong bigyan ng depinisyon, para kang nakikipagniig
sa eternidad na dala ng Kamasutra. Marami kang posisyon
na matututunan. Maraming depenisyon na pwede mong ipakahulugan.
Maraming kahulugan, maraming posisyon.
Hindi ko alam kung may karapatan akong ipagmalaki ang mga naging
karanasan ko sa pag-ibig. Dahil sa katotohanang wala namang interesante
sa aking buhay. Masasabi kong downright pathetic pa
nga. Walang ipinagkaiba sa pagiging hopeless romantic ni
Richard sa pag-ibig na alay nito para kay Erica. Tsk, below
sub-zero talaga. Walang dapat ipagmalaki.
Datapuwat ang pagiging malamya ng takbo ng aking buhay ang
tanging dahilan kung bakit ko isinusulat ang aking mga naging
karanasan sa pag-ibig. Bakit? Walang dahilan. Sapagkat ang mga
talutot ng aking buhay ay nararamdaman lamang sa diwa ng aking
kahapon. Walang kahulugan, masarap lang balikan. Kahit masakit,
kahit may paghihinayang, kahit may kasamang pagsisi, kahit nagdurugo
ang puso ko sa alaala na dala ng aking kahapon. At katulad ng
Kasaysayan, may mga tunggalian, may mga mapapait na alaala na
ang kagandahan nito’y nasa hatinggabi ng pagdurusa at mapapait
na karanasan sa pag-ibig. Marahil kung bibigyan ko ng kahulugan
isa itong greek drama sa silong ng malulungkot na pisngi
ng mga tala. Para akong si Oedipus. Ang pagkakaiba lang namin,
siya’y tragic hero; samantalang ako, isang tragic
anti-hero. Kahit ngayong nakikidwelo na ako kay Kamatayan,
buong angas ko paring pinaniniwala ang aking sarili na kontrolado
ko ang aking buhay. Ewan pero habang iniisip ko ang nakaraan
dito sa papag na aking hinihigaan na siya ngayong kanlungan ng
humihina kong katawan, ang tadhana na noon sa akala ko’y
hawak ko sa aking mga kamay ay mistula ngayong trumpeta ng paglisan.
Paglisan sa kahapon. Paglisan sa mga pangarap. Paglisan sa musika
ng Buhay. Anupa’t masasabi kong pag-ibig ang siyang dahilan
kung bakit isang sagradong espasyo ng nakaraan ang aking buhay.
Mula sa kandungan ng mga mapuputing kumot isinilang ang isang
Pag-ibig—unang karanasan, mga pagsuko at paglisan—mga
pangyayaring nagbigay posibilidad sa ibat ibang plot ng
aking buhay.
Ang unang yugto ng aking buhay.
Aking Sampagita.
Ipinanganak ako tatlong minuto bago ideklara ni Marcos ang
Martial Law. Sabi ni Nanay, masama raw ang kanyang pangitain
nung araw na iyon. Ayokong maniwala. Ayon sa kanya, ipinaglihi
daw ako sa isang pandak na tikbalang na pango ang ilong (na ayon
sa aking impong ay manliligaw ni nanay noong dalagita pa lang
siya). Itong tikbalang na ito’y kanyang nakakausap sa isang
nuno sa punso na tumubo sa likod bahay namin. Ewan ngunit maraming
mitolohiya ang nakakabit sa aking pagkatao. Ayon sa manghihilot
na nagpaanak kay nanay, anak raw ako ng tikbalang. Ang tikbalang
di umano ay may kaibigan na Hapon noong kasagsagan ng giyera.
Ang Hapon ayon sa sabi-sabi ay laging lasing at laging kinakausap
ang puno ng akasya sa may kubo ni Nana Etang. Ang pangalan ng
tikbalang ayon sa Hapon ay Wan-to fly. May mga nagsasabi na si
Wan-to fly ay hindi pangalan ng tikbalang kundi palayaw ng isang
tulisan na napatay ng mga Hapon at isinabit ng patiwarik ang
kanyang bangkay sa puno ng akasya. Ngunit ayon sa iba kong kababaryo,
si Wan-to fly ay anak ng isang mayamang haciendero bago dumating
ang mga Hapon. Minsan naisip ko, may katotohanan sa bawat pahina
ng mga alamat na natutulog sa Barrio Bantaoy, isang liblib na
pook sa bayan ng Batac, Ilocos Norte. Naghihintay lamang ng pagkakataon
upang magladlad ng kwento, damhin ang isang kalayaan na matagal
nang nakatago sa mapapait na ala-ala ng mga tao sa kanilang natutulog
nang kahapon.
Kababata ko si Gitang. Si Maria Sampaguita del Castillio ay
anak ng isang mayamang mangangalakal mula sa dalagitang kanyang
tinakbuhan noong binata pa lang siya. Tulad ko, maraming alamat
ang nakakabit sa pagkatao ni Gitang. Ayon sa makakating dila
sa baryo namin, sinubukan siyang ipalaglag ng kanyang ina noong
magpipitong buwan na ang kanyang dala-dala sa kanyang sinapupunan.
Sa kasamaang palad nabuhay si Gitang. Ewan kong may himala ang
pagkabuhay ni Gitang. Dahil sa pangyayaring ito at sa hindi matanggap
ng kanyang ina ang kanyang mapait na sinapit mula sa katipan
nitong mangangalakal, iniwan si Gitang sa manghihilot na nagpalaglag
sa kanyang ina. Kaya mula noon ang nakagisnang ina ni Gitang
ay si baket Ompyang.
Masasabi kong hindi ganoon kagandahan si Sampaguita. Sa pagkakatanda
ko, walang nakakawiling tignan sa kanyang maaamong mukha maliban
na lamang sa kanyang mga matang tila nagmamakaawa habang tinititigan
ka nito. Sa gulang na pito, masasabi kong isa na siyang malaking
bulas. May mataas na tindig ito kumpara sa mga kalaro namin noon.
Mapuputi ang kanyang mga balat (na nakuha niya sa kanyang ama)
samantalang ang kanyang mga mapupungay na mata ay tila laging
nakangiti sa akin, binubuksan ang isang pintuan ng isang malalim
na pagsasamahan, ng isang malalim na pagkakaibigan. Masayahin
siyang kalaro. Mga tipid na ngiti at tilamsik ng liwanag na nagmumula
sa kanyang malulungkot na mga mata ang karaniwang isinusukli
niya sa akin tuwing nagagawan ko siya ng maliliit na pabor: inaaalalayan
ng bulaklak ng kalabasa na sinusungkit ko pa sa bukirin ni tata
Teban; pinagpipitas ng bunga ng makopa, mabolo, longboy,
santol, atis; ginagawan ng laruang dyip-dyipan na gawa sa tsinelas
at lata ng sardinas, kasamang nanghuhuli ng gagamba sa taniman
ng mais at tubo ni nana Etang; kasamang nagpapalipad ng ol-law’ sa
may daya; o kung sabay kaming kumakain sa dulang kahit inabraw lang
ang aming ulam; o ipinagtatanggol sa mga bading na kaklase naming
laging umaalipusta kay Gitang. Mahirap isiping sa panahon ng
langit-ngit ng kawayan na bumingi sa tensyonadong lipunang batas-military
umusbong ang inosenteng pag-ibig. Anupat ang walang muwang na
pagtingin namin sa laro ng buhay ay isang bulag na pagtingin
sa magulong takbo ng lipunan. Doon sa daya, sa bukirin
ni nana Etang, nabuo ang munting damdamin namin ni Gitang. Ang
bukid na yaon ang naging saksi sa walang muwang na kabataan namin,
sa bukid na kung saan ang ibat-ibang puno ng akasya, manga, santol,
at mabolo ay sumasayaw sa simoy ng hangin, tila hinihintay ang
isang kasaysayan mula sa pisngi ng langit na humahalik sa balintataw,
nakikipagtalik sa pulot-gata ng takipsilim. Doon sa bukid na
kung saan ko unang natanaw kasama si Gitang ang konstelasyon
ng Delphinus, ang sinan rosaryo ayon kay Gitang—grupo
ng mga bituin na parang isang malaking rosary sa langit,
taimtim na nagdarasal. Naalala ko, doon sa lupang ding iyon inilibing
ni Gitang si Monay, ang pusa niyang namatay dahil pinagdiskitahan
ni baket Ompyang. Noong araw na iyon ko unang nakitang umiyak
si Gitang. Sa kanyang mga luha pakiramdam ko umiiyak din ang
langit, naghihinagpis, iginugupo siya ng kahinaan at kasawian
na kanyang nasasaksihan sa mundo.
Si Gitang ang nagbigay sa akin ng pananaw kung gaano karahas
ang mundo sa mga taong mahihina. Kagagaling ko lamang noon nina
tata Kardo sa pagpapatule nang marinig ko sa umpukan ng mga kababaihan
ang dahilan kung bakit lumuwas ng Maynila si Gitang. Ibinenta
siya ng kanyang baket Ompyang sa isang mayamang intsik upang
maging katulong. Sa baryo namin, ang pagiging katulong ay parang
pag-aasawa, ang pagiging alipin ng isang mas may kapangyarihan
sa iyo. Kinagabihan, isinumbong ko sa langit ang malupit na pagmamaltrato
ng mundo kay Gitang. Naging isang lamay ang katahimikan ng gabi.
Sa mga unang buwan ng taong ‘86, sumama ako kay Inay
upang dalawin sa ospital si Itay, miyembro ng Philippine Constabulary,
kasama siyang nadagit ng riot sa mendiola noong panahong iyon.
Sumama ako kay inay hindi upang dalawin lamang si Itay, nagbabakasakali
kasi akong makita ko sa Maynila si Gitang at yakapin siya sa
pamamagitan ng mga munting tibok na mahimbing na natutulog sa
aking dibdib. Ngunit natapos ang pista sa EDSA, hindi narinig
ni Gitang ang mumunting tibok sa aking dibdib. Nasaksihan ko
ang isang malaking pista sa EDSA, maraming tao, maraming madre,
maraming tangke, maraming sundalo, sigawan, hiyawan, may mga
umiiyak, may mga nagdarasal, ngunit walang isang malaking handaan
katulad sa baryo namin kapag pista ng mahal naming patron na
si San Roque. Sa maraming mukha sa EDSA hinanap ko si Gitang,
sumigaw din ako, isinigaw ko ang pangalan ni Gitang, si Gitang…
Sabi ni Inay, tumatanda raw ang Bayan hindi sa panahon na lumilipas
kundi sa mga taong umalis at natutong bumalik sa kanilang pinanggalingan
dahil may mga batang hindi natakot na bumalik upang sariwain
nito ang nakaraan. Doon mo lamang mapapansin na maraming nagbago;
ang lahat ay tumatanda, lumilisan, at namamaalam. Marahil, iniisip
ko, tama nga si Inay. May apatnapung taon na rin ang nakakaraan
simula nang lumuwas ako ng maynila at napagpasyahan ni Inay na
doon ko na ipagpapatuloy ang aking pag-aaral. Nakakatawa nga,
ngayon ko lang napagtanto na gaano man ang haba ng aking nilakbay,
parang umikot lang ako, huli na nang malaman kong papunta rin
pala ako kung saan ko unang nasilayan ang balintataw. Ngayon
nga, tanaw ko sa may daya ang bukid na kung saan ay
naghaharutan kami ni Gitang, ay isa nang malawak na irigasyon,
wala na ang simoy ng hangin na minsan ay natutong humalik sa
kasaysayan ng balintataw, wala na ang bukid na minsan ay pinaglibingan
kay Monay, ang natira na lamang ay mga alaalang hindi na pwedeng
balikan kundi isang halik na lamang sa pamamagitan ng paghaplos
sa harana ng takipsilim.
Sa wakas ay nakita ko rin ang balintataw bago ako iginupo ng
aking sakit na kanser sa atay.
Ang Ikalawang yugto ng aking buhay
Si Ruby Tuesday.
Siya’y isang “magandang kupal”, ang babaeng
maangas, at arogante kung magbigay ng opinyon. Ganito ang pagkakakilala
ko sa kanya una ko pa lang siyang masilayan sa tambayan ng mga “ipis” sa
aming kampus. Malakas mang-gago ng kasama, lalo na dun sa mga
alam niyang nagkukunwaring mga intelektuwal. Hindi ko alam kung
saan niya nakuha ang ganung lakas ng loob. Marahil minsan naisip
ko, utak ang nagbibigay ng tapang ng personalidad ng isang babae
hindi ang magandang hubog ng kanyang mga hita at balingkinitang
katawan.
Patapos ng dekada ‘90 nang una kaming magkakilala ni
kumag. Isang panahon na kung saan hindi lamang muling sinubukan
ang tatag ng isang bayan mula sa mainit na tingga ng kudeta kundi
pati na rin ang lakas ng mga kabataan na nagsilbing mga alitaptap
sa madilim na sulok ng maynila.
Aaminin ko, bad-trip ako nung una kaming magkaharap. Ewan,
pero para akong si Cachupoy nang una kong masilayan ang kanyang
mga mata. Ang lakas ng dating, nakaka-kaba, nangatog nga ata
ang tuhod ko. Naaalala ko pa nga mag-aplay akong manunulat dun
sa bodega ng mga “ipis”. Dahil siya lang ang tao
nun sa “bodega”, sa kanya ko ibinigay ang aking sanaysay.
Saglit siyang tumitig sa akin at pagkatapos ay binasa ang ginawa
kong akda. Ilang saglit pa, muli niya akong tinitigan at saka
nagtanong: “Masarap ba ang strawberry kahit walang cream?” Bigla
akong natawa. Ano ‘to, isip-isip ko. Gamitan ko kaya ng Socratic
irony ‘to, masyadong maangas eh. Hindi ako sanay na
tinatanong ng babae lalo na doon sa mga walang kwentang tanong.
Bigla ay nakaranas ako ng insecurity sa aking sarili. “Ewan,” ang
sabi ko na lang sa kanya nang mapansin kong hindi pa rin niya
inaalis ang pagkakatitig sa akin. “Ano bang pagkakaiba
ng walang cream kumpara ‘pag nilagyan mo ito?” banat
ko sa kanya. Ngumiti lamang siya at saka muling nagtanong, “Nagbabasa
ka ba.” “Minsan,” ang sabi ko. “Anong
binabasa mo?” ang patuloy na tanong niya. “Mga libro
sa Philo, minsan si Poe…at Gone with the wind,” sabi
ko. Bigla siyang natawa. “Kalalake mong tao nagbabasa ka
ng romance novel?” Hindi pa rin niya inaalis ang
tila nakaka-insultong ngiti sa mukha niya. Abat ‘tong kumag
na ‘to sexist! Tinamaan ng lintek, gina-gago lang ‘ata
ako ng babaeng ito, ah. Sapakin ko na kaya ‘to! “Pinagtiyatiyagaan
mo iyon,” ang patuloy na tanong niya. “Pinagtatawanan
mo ang isang obra!” inis na pambabara ko. Medyo naiinis
na ako. “Wala lang. Babae kasi ang nagsulat eh,” Anak
ni Honasan! Kababae nitong tao sexist. “Eh, ikaw anong
binabasa mo?” ang ganting tanong ko sa kanya. “Komiks!” Tumawa
siya ng malakas at saka siya tumayo at nagpaalam sa akin. Naiwan
ako sa kuwartong iyon na nangangatog ang tuhod at nanggagalaiti
sa galit. Noong araw na iyon ay muling bumalik sa akin ang alaala
ni Gitang. Noon ko napagtanto na hindi lahat ng panahon ay nananatiling
kimi ang mga babae. Sa ating lipunan na nakakaranas ng delubyo,
hinihingi mismo ng Kasaysayan ang mga babaeng ang kanilang kagandahan
ay makikita mismo sa kanilang isipan.
Lumipas ang mga araw, nalaman ko na hindi pala editor si kumag.
Kaibigan pala ng isa naming editor, nakumbinsi siyang mag-applay
rin. Bad-trip, hindi pa nagsisimula ang laban naming dalawa,
naka-isa na siya. Sa lahat ng mga nakapasok sa batch namin, kaming
dalawa ang pinaka-aktibo. Noong panahon na iyon, ang aming unibersidad
ay nakararanas ng delubyo mula sa mga estudyanteng ang kanilang
mga diploma ay sinunog na bago pa man sila umakyat sa entablado,
at bagkus hinanap sa lansangan ang edukasyong pinagkait sa kanila
ng eskuwelahan. Bukod pa sa pagiging manunulat naming dalawa,
kami ay naging aktibo sa mga ibat-ibang samahan sa labas ng unibersidad.
Ako ay naging kasapi ng Kamote collective, grupo ng
mga kabataan na may pinaniniwalaang ideolohiya samantalang siya
ay naging lider ng grupong Mosquito Collective, mga
manunulat na pakalat-kalat sa pansitan habang nakikipagdiskurso
sa pilosopiya at agham.
Ewan kung anong rason bakit ko nagustuhan si kumag. Pihikan
kasi ako pagdating sa pagpili sa babae. Kailangang maganda, ito
dati ang prinsipyo ko. Nagkamali ako. May mga bagay pala na higit
pa sa pilosopiya na nanggagaling lamang sa aking puson. Siya
ang unang babaeng sumira sa panlasa ko. Kung pisikal ang titignan,
wala siyang maipagmamalaki. Sa taas nitong 5’5” at
morena nitong balat, tanging ang kanyang mga maninipis na labi
ang may angking kayabangan. Minsan sa pag-uusap namin, natutukso
akong halikan ang mga labing iyon at damhin ang init nito. Gusto
kong angkinin ang isang pisikal na obra hanggang lunurin ako
ng kanyang nakatagong sining. Baka sakaling dalhin ako sa balintataw,
maglalakbay sa akin sa guhit-tagpuan ng langit at dagat.
Praktikal siya kung mag-isip. Ayaw na ayaw niya sa akin kapag
binabanatan ko na siya ng Cartesian Methodolgy o ng Kantian idealism. ‘Cogito,
ergo orgasmo’, yan ang sabi niya. Palibhasa kasi mayaman
kaya minsan elitista kung mag-isip. Walang pinaniniwalaang idelohiya,
walang pinaniniwalaang sakramento. Ang Kasaysayan, minsan sabi
niya, ay hindi nagtapos sa panahon ni Marx na kung saan ang makina
ang nagdikta sa gulong ng kasaysayan. Para sa kanya ang komunismo
ay isang Marxist Theology: walang siyentipikong basehan kundi
isa lamang pakikipaglaro sa mga unang pilosopiya mula kina Plato
hanggang kay Hegel. Aaminin ko, natatameme ako minsan sa mga
pag-uusap namin. Kulang na lang ay sabihin niyang tanga ako sa
aming mga debate. Binabara nga ako minsan sa pamamagitan ng kanyang ‘Freudian
analysis’. Ngayon ko lang napagtanto na iba kong magladlad
ng personalidad ang mga babaeng may-utak. May kakaibang gayuma.
Minsan naisip ko hindi lang pala sa hita maganda ang babae; nasa
kanyang ulo ang ang pinakamagandang katangian ng babae.
Trip niyang pakinggan ang Rolling Stone, samantalang
ginigiit niyang si John Lennon lamang ang magaling sa Beatles.
Kaya tuloy kahit sa ibabaw ng kama, pinagtatalunan namin kung
sino sa kanila ang pinakamagaling na banda. Minsan sa mga diskurso
namin, lagi niyang nilalait ang paraan ko ng pagsusulat. Egoist talaga!
Samantalang ako para sa kanya ay isang tutubing romantiko na
mahilig dumapo sa dahon ng makahiya. Laging nililigawan ang mambabasa
sa pamamagitan ng emosyon. Samantalang para sa kanya ang Sining
ay para lamang sa mga indibidwal na nakakaunawa ng isang sining. Self-centered talaga
ang kumag, isip-isip ko. Kaya hanggang ngayon dinadalaw pa rin
ako ng matamis na ngiti sa tuwinang naaalala ko ang aming mga
pakikipagsapalaran sa mundo ng ideya at pagnanasa sa ibabaw ng
kama. Sa relasyon namin, mula pilosopiya at agham ang inialay
niyang bulaklak sa akin samantalang inialay ko sa kanya ang mga
kapeng walang lasa na tinimpla sa pamamagitan ng matatamis na
halik at pagsuyo, binigyan ng buhay mula sa mundo ng panitikan. Surreal ang
aming mundo dahil sa gitna ng delubyo sa lipunan sa unang siglo
ng dekada ‘90, patuloy kaming nabuhay sa mga panaginip
na aming binigyan ng kahulugan sa bawat gabi ng lagalag sa pansitan
at mahimbing na pagtulog sa bangketa. Sa kanya ko unang nasilayan
ang Pag-ibig bilang isang sakim. Naalala ko ang kanyang sinabi
matapos ang mahabang diskurso ng aming mga hita sa kama. Ani
niya: “Walang selfless na pag-ibig, ang lahat ay umaayon
sa interes at kagustuhan nating lumigaya. Hindi ito metapisikal
na usapin, isa itong materyal na bagay na kailangan mong punan
sa pamamagitan din mismo ng materyal na bagay.” Gusto kong
isipin na siya si Ruby Tuesday, dumating upang magbigay ng isang
inspirasyon, at mawala upang magbigay ng isang mapait na kahapon
na parang aninong nakakadena sa aking pagkatao.
Nasa kama ang aming mundo. Dito namin itinago ang mga ibat-ibang
lihim at ideya na minsan ay hindi namin nagawang isulat sa mga
pinaglalamayan naming mga kwento at tula. Sa kanya ko napatunayan
na ang sarap ng pag-ibig ay nasa batok at mahika ng buntunghininga.
Sa piling niya ko narasanasan na ang kasukdulan ay may itinatagong
kalungkutan na kanyang ibinulong sa pamamagitan ng mga halinghing
at mga mumunting mga halik sa aking tenga at batok. Minsan pagkatapos
ng maiinit na diskurso ng aming katawan, pinakita niya sa akin
ang ginagawa niyang nobela. Binasa ko ang pamagat, “Love,
Sex, and Revolution”. Napansin kong may mga rebisyon
sa mga bawat pahina. “Inspirado ako sa iyo,” sabi
niya. Natawa ako. Sinabi niyang may isang taon na niyang sinusulat
iyon na ayon sa kanya ay binago niya ang plot ng kwento nang
sumali siya sa movement at makilala ako. “Ayaw mong isali
sa Palanca ito,” tanong ko sa kanya. “Bakit pa? Alam
mo namang hindi ako nagsusulat para sa mga mambabasa ko,” ang
buong pagmamayabang niyang tinuran. Ngumiti ako sa kanya. Ibinigay
ko sa kanya ang isang ngiting hindi pa niya nasisilayan sa ibat-ibang
mukha ng mundo. Bigla ay may naalala ako. “Natatandaan
mo ba ang tanong mo sa akin noon?” “Alin,” ani
niya. “Kung masarap ba ang strawberry kahit walang cream.
Sa palagay ko alam ko na ang sagot,” ang sabi ko, nakangiti. “Ano?” “Palitan
mo muna ang salitang ‘sex’ ng salitang ‘strawberry’ ang
pamagat ng ginagawa mong libro,” ani ko. “At bakit
naman,” ang tanong niya sa akin na may halong ngiti, isang
palatandaan na nakukuha na niya ang ibig kong sabihin. “Sapagkat,” inilapit
ko ang aking mukha sa kanya, “mas masarap makipagharutan
sa kama kapag mahal mo ang isang tao, hindi nga ba?”
Ngunit iba kung magbiro ang buhay, hindi ka lang nito sasaktan,
may kasama pa iyong pang-uuyam na para bang sinusubukan ka kung
hanggang kailan ka maninindigan. Parang gustong sabihin na diwa
ng buhay, hindi lang mga libro, ideya, at prinsipyo ang kailangan
mong matutunan, kailangan ka ding humarap sa iyong sarili at
harapin ang iyong karuwagan. Kagagaling ko lamang noon sa Bicol
pagkatapos ng dalawang buwan ding pagtatanim ng kamote at kangkong
sa bukirin nina nana Uling. Nagkita kami noon sa aming paboritong
tagpuan. Noon ko unang nasilayan ang isang kalungkutan na hindi
kayang itago ng maaliwalas na mukha. Nangyari na nga ang pinangangambahan
ko. Nagdadalantao ang mahal ko, may dalawang buwan na raw ang
sabi ng doktor. Hindi ako makapagsalita. Hindi ko alam ang aking
sasabihin. Hindi ko alam kung sasabihin ko ba sa kanyang naduduwag
ako sa mga oras na iyon. Hindi dapat mangyari ito, sigaw ng isip
ko. Paano nangyari ito, tanong ng isip ko. Kailangan mong lumaban,
huwag kang tutumba, pagsusumamo ng isip ko. Gusto kong maging
matatag para sa kanya ngunit hindi ko kayang itago ang takot
na nararamdaman ko sa oras na iyon. Akala ko kaya kong harapin
ang mga problema, akala ko kaya kong lumaban para sa sarili ko,
para sa aming dalawa. Nagkamali ako. Hinanapan ko ng solusyon
ang kasalukuyang problema ng lipunan ngunit ngayong ako na ang
magkaroon ng mabigat na pasanin ay hindi ko man lang mabigyan
ng assurance ang aking sarili. Tinitigan ko siya sa
mata. Kahit man lang sa nangingilid niyang mga luha’y maramdaman
ko ang kanyang kalungkutan.
“Ipapalaglag ko ito.” Nabigla ako. Hindi ko inaasahan
na iyon ang iniisip niyang solusyon sa aming problema. Tinitigan
ko siya. Ipinadama ko sa kanya ang isang galit na pilit kong
nilalabanan. Hindi siya natinag.
“Hindi pwede! Hindi yan ang sagot sa problema.” Matigas
na sagot ko.
“Huwag ka nang magkunwari,” sabi niya. Parang nang-uuyam, “alam
mong hindi tayo pwedeng magsama.” Alam kong hindi iyon
ang gusto niyang sabihin.
“Naiintindihan mo ba ang sinasabi mo?”
“Oo!” ang matigas na sagot niya.
“Pwes, hindi mo dapat gagawin yan.”
“P_ta! Bakit ayaw mong aminin na naduduwag ka rin tulad
ko. Na hindi tayo ganun kalakas katulad ng iniisip mo? Na mahina
tayo katulad ng ipinaglalaban mong lipunan!”
Isang malakas na sampal ang dumapo sa kanyang pisngi. Hindi
siya natinag. Heto nga ang mahal ko. Heto nga si Ruby Tuesday.
Malakas. Matatag. Kupal humarap sa laban at biro ng buhay. Walang
pinagsisihan. Lahat sa kanya ay nangyayari ayon sa kanyang mga
desisyon, ayon sa kanyang mga kagustuhan. Gusto kong matawa sa
aking sarili. Mayroon nga bang dapat pagsisihan, naisip ko. Ayoko
na gusto ko nang sumuko. Parang kahapon lang, sinasabi ko sa
kanyang aangkinin ko ang langit sa piling niya. Pero ngayong
sumuko ang langit sa aming pagmamahalan, hindi pala namin kayang
maging matatag sa piling ng mga anghel…sa piling ng isang
anghel.
Iyon na ang huli naming pagkikita. Lumipas ang mga araw isang
sulat ang aking natanggap na naglalaman ng isang pamamaalam at
isang tseke na nagkakahalaga ng limampung libong piso. Lumipad
na siya papuntang Amerika. At ang tsekeng iyon ay isang kabayaran
para sa gagawin niyang pagkitil sa dapat sana’y magiging
anak namin. Kabayaran sa pagtalikod ko sa magiging ina sana ng
anak ko.
Katapusan
Ano nga ba ang silbi ng buhay kung sa banding huli ay malalaman
mong wala ka palang napuntahan sa kabila ng mahaba-haba ring
paglalakbay. Lumiko man ako, umikot-ikot man ng ilang beses,
tumakbo man o naglakad lang, sa dulo pala nito’y ang daan
kung saan ako nagsimula. Saan ako nagpunta kung ganoon? Saan
nga ba ako nakarating? Minsan naisip ko, destinasyon nga ba ang
mahalaga sa buhay o ang maiikling mga eksena ng buhay na muli
nating binabalik-balikan sa pamamagitan ng makikipagharutan sa
ating mga ala-ala. Parang pelikula. Hindi na pwedeng ibalik,
ang tangi mo na lamang magagawa ay balikan ang isang kahapon
na kaysarap damhin sa dulo ng ating balintataw. Isang bagay na
nagsasabing wala ngang dapat pagsisihan. May paghihinayang man.
May pagsuko man. Masasabi mang mali ang mga desisyon. Ang lahat
ay naganap para tayo ay ngumiti bago man lang tayo humiga sa
ating mga kanya-kanyang mga papag.
Bago igupo ng dilim ang humihina ko nang katawan.
|
|