‘Yellow Submarine’
Sa terrace, tanaw ang Taft—nagmamadali, hindi namamansin,
walang agam-agam na niyayakap ang batas ng Kalikasan, walang
katiyakan. Maingay ang Taft, walang pag-aalinlangang sinusunod
nito ang bawat hinagpis ng pagkakataon. Katulad ng isang bata,wala
siyang saplot na naglalaro sa ambon ng ulan, ay marami siyang
pangarap, nagbabahay-bahayan kasama ang tila mga laruang jeep
(beep beep), fx, bus, at hinihilang tren ng LRT, gawa sa lata
ng sardinas at tsinelas.
Sa may terrace, tanaw ko ang Luneta. Parang batang nakaupo
sa may breakwater, hindi alintana ang papalubog na araw, nakatunghay
ang mga mata sa tagpuang-guhit ng langit at South China Sea.
At katulad ng isang bata, marami siyang pangarap, hindi nga lang
napapansin ng Taft. Tahimik lamang ang Luneta, nag-aalinlangan
sa bawat oras at bawat pagkakataon, marahil kung isa akong pintor
at kaya kong lapatan ng imahe ang kanyang damdaming nakatago,
makikita ko si Van Gogh sa munumento ni Rizal.
Sa may terrace, nakaupo ako sa may ballister, nakatitig sa
kawalan, tanaw ko ang mundo. Dito sa kung saan ang melankolya
ay isang matayutay na damdamin nina Picasso at Dali, habang ang
aking isipan ay nakikiulayaw kay Kundera. Dito tahimik ang takipsilim
na humahalik sa namamaalam na liwanag. Dito ang lahat ay possible,
kayang lunurin ng katahimikan ang naglalarong mga pananaw sa
harap ng mapangaraping mundo.
Naisip ko, hugis tatsulok ang dimensiyon na namamagitan sa
Taft at Luneta. Isang malaking canvas. Sakay ng mga
ilusyon at pagmumuni-muni, parang mga pinaghalo-halong kulay
sa palette ang masikip na daang cosmos na nilalakaran
ng bawat isa, hindi nagtatagpo, hindi nagkikitaan. Dito ko naisip.
Isang cubism ang Taft: sala-salabat ang mga larawan.
Nabubuhay siya sapagkat may mga taong hindi napapagod na dumaan
rito, may mga dyip na nagbibigay ng busina, may mga bus na naghihintay
sa mga pasahero, at may tren na parang lumalagos sa isang blackhole,
sa pagdaan nito sa daang bakal, iniisip wari nito na sana hindi
na siya makabalik sa kanyang pinanggalingan. Samantala, ang Luneta
ay isang surrealism: kapag tatanawin mo ay isa lamang
gunita. Nabubuhay siya sa pamamagitan ng sikolohiya ng panaginip.
Sa panaginip ng mga taong nangangarap ng isang spaceship papunta
sa mga buwan ng Jupiter. Kung isa akong pintor, ipipinta ko ang
kanilang kasaysayan sa pamamagitan ng isang imahe na kailanman
ay hindi kayang intindihin ng bawat isa.
Sa dako roon ay ang boarding ng mga ipis, sa loob ay patuloy
ang pagtugtug ng Beatles—Yellow Submarine—ala-beatnik
ang dating, maangas ang tema, ala-psychedelic ang harana, malumanay
na tumatagos sa aking kalamnan ngunit agresibong tumatawid sa
ibat-ibang dimensiyon, tumatagos sa espasyo, naglalakbay dito
sa terrace.
Unti – unti, sa namaalam na araw, ang mga ilaw sa bawat
establisyemento at gusali ay parang mga bituin na bumaba sa langit,
waring alitaptap, at ilang saglit pay naging karagatan ng uniberso
ang Taft at Luneta, nagkaroon ng buhay, humihinga sa mga dagitab
na parang mga sistema ng mga bituin. Lumatag na ang dilim. Nakalutang
ang bawat isa. Sa may Taft, ang tren, dyip, bus, at fx, ay naging
mga waring spaceship ng mga taong patuloy ang paghihintay sa
mga sasakyang nagsidaraan. Nagmamadali nga talaga ang Taft. Humaharurut.
Masikip kasi ang espasyo na dinadaraanan ng bawat isa, animo
gustong kumalas sa napakahigpit na hawak ng tadhana. Samantala,
patuloy na nakatitig sa kalawakan ang Luneta. Saglit siyang tumigil
sa pagkukumpuni ng kanyang spaceship.
Sa gabi ang mga imahe na pinipilit ipinta ay magiging isa na
lamang mga supernova, sasabog sa iyong imahinasyon,
parang mga basag na boteng may ibat-ibang kulay, hanggang ang
larawan sa canvas ay tanging mgasimbolo na lamang kulay—wala
nang kahulugan. Isang yellow subamarine.
Hindi ko alam kong ang lahat ng aking isinulat ay dala lamang
ng aking pagnanasang mawatasan ang ‘Yellow Submarine’.
Gusto kong maniwala sa sinasabi ng isang ipis na tekno geek,
wala naman daw itong kahulugan kundi isang napakandang kanta
na naisulat sa panahong sabog sila ng LSD (‘Oy, Lucy!).
Gusto kong isipin na ginogoyo lang ako ng Beatles, na walang
ibang kahulugan ang kanta nilang Yellow Submarine kundi ang paghalik
ng imahinasyon sa kabilang dimensyon. Marahil.
Ang lahat tayo ay nabubuhay sa Yellow subamarine. Papunta sa
kung saan. Sasabit, sakay ng spaceship. Sakay ng Yellow submarine.
|
|